NAKAIINIT talaga ng ulo ang kaguluhan at kapalpakan ng mga unang araw ng pagpapatupad ng bagong integrated bus terminal ng MMDA, pero sana ay maging mas mapag-pasensya pa tayo at bigyan ito ng pagkakataon para makita natin kung epektibo nga o hindi para sa ating kalagayan dito sa Kalakhang Maynila.
Ganyan talaga ang pagbabago. Maraming aalma at kokontra. Ayaw kasi natin na naiiba ang ating nakasanayan na. Pero, sana naman, pagdating sa trapiko ay mas bukas ang ating isipan sa pagbibigay ng benefit of the doubt sa MMDA at kay Chairman Francis N. Tolentino.
Unang integrated bus terminal pa lang ‘yang nasa bandang Coastal Mall para sa mga nanggagaling sa Cavite. ‘Yung dalawa pang binabalak na integrated terminal ay sa Trinoma Mall sa Quezon City at sa Filinvest sa Alabang. Teka, paano naman dito sa may Eastern Metro Manila? Wala bang integrated terminal para sa mga nanggagaling ng Rizal – Masinag o Cogeo?
Bigyan sana natin ng pagkakataon na marepaso at maisaayos ang napakagandang proyektong ito ng MMDA. Maniwala po kayo sa amin, mapapagaan talaga nito ang daloy ng mga sasakyan sa Metro Manila.
Ang ideya ay huwag nang papasukin sa Metro Manila ang provincial buses galing sa Northern Luzon at Southern Luzon para mabawasan ang dami ng nagsisiksikan sa lansangan.
Sabi ni Tolentino, mahigit 8,000 rin daw ‘yang provincial buses na pumapasok ng Metro Manila araw- araw! Mantakin ninyo, ang laking kaluwagan niyan sa EDSA at iba pang kalye ng Maynila.
Napanood niyo ba ‘yung pagbatikos ng isang matanda kay Tolentino sa balita sa telebisyon noong isang gabi?
Tahasang sinabi na, “Palpak itong naisip mo! Bata ka pa, kami matanda na!” Kulang na lang na sabihin na “marami ka pang kakaining bigas” o kaya ay “papunta ka pa lang, pabalik na kami!”
Mahirap po talaga ang maging public servant. Pero mas mahirap din ang maging commuter! Mainam nga na dahil sa mga ganitong proyekto at suliranin ay napipilitan na ang mga ordinaryong mamamayan na makialam o magbigay ng kanilang panukala para sa mga solusyon.
May dalawang petisyon na isinalang sina Ira Panganiban at si Dinna Dayao. ‘Yung una ay tungkol sa pagbasura ng ideya ni Tolentino na gawing dalawang araw ang number coding.
Para kay Panganiban ay dapat lang na maging mahigpit lang ang LTFRB at MMDA sa mga kolorum na sasakyan.
Para naman kay Dayao, na aking ka-batch sa UPIS, ay dapat sumakay ng public transport ang mga opisyal ng gobyerno para maranasan nila ang kalbaryo ng mas nakararaming mamamayan na commuter.
Suportahan po sana natin ang dalawang petisyong ito sa pamamagitan ng change.org.
Hindi lang naman ang mga commuter ang makikinabang sa pagsasaayos ng daloy ng trapiko kundi pati ang mga motorista, pedestrian at biker.
The post SUPORTAHAN NATIN SINA DAYAO, TOLENTINO AT PANGANIBAN appeared first on Remate.