HINDI tayo kontra sa kasalukuyang henerasyon ng ating kabataan. Hindi rin tayo nagkulang ng tiwala sa kanila.
Katunayan, parekoy, hanga tayo sa taas ng antas ng kanilang kaisipan kesa kabataan noong araw. Na bagama’t dahil sa kanilang edad at kakulangan ng karanasan ay hindi maiiwasan na marami ang hindi akma, pero ang mahalaga ay ang kanilang dedikasyong maglingkod sa bayan.
Pero rito sa usapin ng batas na sumasakop sa Sangguniang Kabataan ay kaisa tayo sa may pananaw na dapat na itong i-abolish o amyendahan.
Huwag nang pag-usapan na masyado silang vulnerable sa corruption at/o dikta ng mga gagong politiko. Halimbawa, ang 15-anyos na SK Chairman ay ‘di nga pinahihintulutan ng batas na magkaroon ng Driver’s License dahil sa pagiging hindi responsable. At sa napakaraming batas, tinutukoy ito na “minor” kaya nga dapat siyang nasa pangangalaga ng isang “guardian.”
Eh, kung ang isang dokumento o lisensya ay hindi ipinagkakatiwala sa minor, bakit naman ipinagkakatiwala sa kanya ang pamamahala sa pondo ng SK na mula sa pinagpawisang buwis ng taumbayan?
Sa kaso halimbawa ng 15-anyos na SK Chairman, kapag kinurakot niya ang pondo, paano maipakukulong gayung siya ay minor? Masisipag sana sila . . . alisan lang ng kontrol sa pondo!
-o0o-
ILANG nagpakilalang pulis mula sa Mimaropa (Mindoro, Marinduque, Romblon at Palawan) ang nag-text kaugnay sa mga nauna nating kolum hinggil sa talamak na iligal na sugal sa Calapan, Oriental Mindoro. Ayon sa text, ang istayl ni Regional Director Mabilin ay ipinararatsada ang napakaraming lugar sa kanyang AOR pero may pinili na itong mga lugar kung saan pinapopormahan niya sa kanyang peborit na si P03 Avelino Amio Canilang.
Dahil nga pinararatsada ni RD Mabilin, kaya naman kumbinsido sina PNP chief Alan Purisima at maging si DILG Sec. Mar Roxas na prayoridad nga ni RD Mabilin ang pagsugpo sa iligal na sugal!.
Ika nga, marami siyang accomplishment report ng panghuhuli sa sugal pero sa kabila nito ay milyones ang sikretong remittance sa kanya ni Canilang!
Sabagay, kahit nagpakilalang pulis itong ating impormante ay may punto naman siya na pwedeng paniwalaan! Hindi nga lang mabatid agad kung totoong sina PNP chief at DILG Secretary ang binobola ni Mabilin o tayo, parekoy, ang tsinutsubibo nitong nagpakilalang pulis na impormante.
Para magkaalaman na, RD Mabilin, bakit hindi mo nga naman ipinararatsada ‘yang lintek na sugal sa Calapan, Oriental Mindoro? Para matiyak na rin natin kung totoong may sabwatan nga kayo r’yan ni Mayor Panaligan Arnan!
The post DILG BINOLA NI MABILIN AT SK LAW DAPAT BUSISIIN appeared first on Remate.