HINDI biro-biro at lalong hindi katawa-tawa ang nararanasan nating pagbaha sa mga araw na ito.
Sinasabi natin ito, parekoy, habang pinasok ng baha ang unang palapag ng aking pinuntahang tahanan sa Cavite.
First time na nangyari umano ito sa kanila.
Habang nagkukuwento ukol sa kanyang kalagayan ang may-ari ng bahay, pilit naman nating tinitipa ang piyesang ito.
Sa hindi kalayuan, natanaw natin ang ilang kabahayan na bubong na lang ang nakalitaw, lalo na ang mga bungalow.
Sa mga ulat ng ating mga kasamahan sa media, ang Cavite City na dating hindi binabaha ay binabaha na rin.
Tumindig ang ating balahibo sa nagaganap na ito.
Noong nag-Ondoy, sinasabi ng marami na noon lang may naganap na ganoong baha.
Nang nagkaroon ng habagat nitong nakaraang taon, sinasabi ng mga nahabagat na noon lang din nila naranasan ang ganoong ngitngit ng panahon at baha.
At nang mabaha ang Cagayan de Oro at Iligan at ilang bahagi ng Negros na sinundan ng grabe ring pagbaha sa Compostela Valley, Davao at kalapit na mga lalawigan, gayundin ang ating narinig.
“Ngayon lang nagkabaha ng ganito,” ang iisang salita.
Ano-ano na nga ba ang nagaganap sa ating bansa?
Sa kabuuan, parekoy, tama ang sinasabi ngayon ng isang organisasyong sumusubaybay sa mga dinadapuan ng kamalasan na ang Pilipinas ang kamalas-malasan .
Dahil sa mga pagbahang ito na hindi na lamang nakasentro sa mga sentrong lungsod kagaya ng Metro Manila at iba pang puro sementado nang lungsod at halos wala nang puno, nag-isip tayo, parekoy.
Nakatatakot ang ating naisip.
Lalala pa ang mga pagbaha.
At gaano nito sirain ang buhay ng milyon-milyong mamamayan?
Mula rito, kailangan na talagang kalkalin ang mga pinag-uugatan ng mga pagbaha.
Ang Cavite ay kilala ngayon na puntahan ng mga gumagawa ng mga subdibisyon o land developer.
Sa kagustuhan nilang kumita, sinisira nila ang kapaligiran.
Pinupulak nila ang mga puno at binabago nila ang mga hitsura ng mga kalupaan sa pagpatag sa mga burol at bundok at inililipat ang mga ito sa mga lugar na gusto nilang ma-develop.
Wala nang mga punong sumisipsip sa mga tubig-ulan at sa halip, ang mga batong bahay ang itinatayo.
Umaasa na lang ang lahat sa mga drainage na daluyan ng mga tubig-baha.
At kapag sinalubong ang mga ito ng high tide, magdasal ka na!
The post ‘NGAYON LANG NANGYARI’ ANG MGA PAGBAHA appeared first on Remate.
