SA panahon ng kalamidad tulad nitong nagdaang habagat ay muli na naman nating nakita ang bulok na sistema ng ating gobyerno at kung anong klaseng mga lider mayroon tayo.
Halos nagmistulang dagat ang Metro Manila at mga karatig na lalawigan pero mayroon bang mga senator, congressman at secretary ang nagpakita at nagpunta sa mga nasalanta ng tubig-baha?
Sabagay nga naman, kung mismong si Pangulong Noynoy ay hindi rin nagpakita, eh, ano ang aasahan mo sa mga alipores niya?
Eh ‘di magtatago na lang din at maglalaro sa kanilang mga laptop, i-pad at tablet.
Sa ginawang ito ng ating mga palpak na lider ay daig pa natin ngayon ang bansang walang gobyerno.
Ano nga ba ang dahilan, bakit ni hindi man lang nagpakita o nagbigay man lang ng kanyang mensahe si PNoy sa mga nasalanta ng baha?
Malayong-malayo itong si PNoy sa mga nagdaang Pangulo dahil sa tuwing may dumarating na kalamidad ay agad mong makikita ang mga ito sa labas at nag-iinspeksyon at namimigay ng mga relief goods.
Ano ang ginagawa ng Pa-ngulo natin ngayon?
Halos lumubog na ang bansa pero ni anino niya ay hindi man lang nakita, marami tuloy ang nagtatanong kung buhay pa ito o inanod na ng tubig-baha.
Hindi kaya magkasama sina Pangulong PNoy at pork barrel queen Janet Lim Napoles?
Pareho kasi silang nawawala, baka inaayos nila ang script bago sabihing nahuli na ng awtoridad ang nagtatagong si Napoles.
o0o
NGAYONG Sabado po ay magsasagawa ng relief operation ang Lily’s Files para sa mga nasalanta ng habagat.
Gusto ko lamang pong ipa-batid na ang mga ipamimigay ko ay galing sa aking mga kaibigan at hindi sa mga politiko.
Ang sinoman pong may ginintuang puso na gustong makibahagi sa relief operation ng Lily’s Files ay maaari n’yo po akong tawagan o kaya ay ipadala ang inyong ambag sa tanggapan ng REMATE sa ground floor ng National Press Club sa Intramuros, Manila.
o0o
Bukas po ang Lily’s Files para sa inyong mga reklamo, suhestiyon at komento, mag- text lang po sa 09165571946 at 09087230036 o kaya ay mag-email lang sa. lpr_2012-@yahoo.com.
The post PNOY MISSING IN ACTION ULIT appeared first on Remate.
