ANG hirap sa iba sa atin, kasama na lang tayo parati sa agos. Tulad ngayon na uso ang church bashing, so bawat balita na may pari na involved, masama na agad ang pari.
Kawawa naman si Msgr. Josefino Ramirez. Kilala ko siya kasi spiritual director ko siya at nagsilbi ako bilang head (pro bono) ng selebrasyon ng ika-400 anibersaryo ng Nazareno ng Quiapo.
Una, hindi totoo na ‘yung tseke na inisyu kay Ramirez ay monthly stipend para sa kanya kundi donasyon ng charity foundation para sa simbahan at mga proyekto nito.
At isa pa, hindi naman alam ni Ramirez kung saan galing ang pera ni Napoles. Ang sabi broker at supplier siya.
Parang kontribusyon ng mga tao sa Misa tuwing Linggo … tinatanong pa ba ng pari kung saan galing ang inilagay natin sa collection plate?
Pati nga ang sinasabing imahen ng Nazareno na dinadala sa bahay ng pamilya nina Napoles.
Sa katunayan, ang replikang ito ay pag-aari ng nanay ni Napoles na ipinagawa ng nanay niya noong rector ng Quiapo si Ramirez sapagkat dati nang deboto ng Nazareno ‘yung nanay.
Itong imahen na ito ang iniikot sa mga bahay ng mga anak niya linggo-linggo.
Hindi ito ang replica ng Nazareno na pag-aari ng Quiapo Church.
So wala pong masama roon.
Ang nanay ni Napoles na si Mrs. Magdalena Luy Lim ay matagal nang benefactor ng simbahan.
Siya ang sponsor ng araw-araw na feeding program ni Ramirez sa Binondo, sa reclamation area at sa Quiapo.
Marami siyang sinuportahan na mga proyekto ni Ramirez.
Nang mamatay si Magdalena noong 2008 ay ipinagpatuloy ni Janet Napoles at kanyang mga kapatid ang generosity ng ina sa pamamagitan ng pagtatayo ng foundation sa ngalan niya (Magdalena Luy Lim Charity Foundation in the service of the Divine Mercy, Inc.) Hindi po ito kasama sa mga NGO na ginamit sa pork barrel scam.
So lahat ng tinutulungan ng ina nila ay patuloy na tinutulungan ng pamilya nila.
Isa na si Msgr. Ramirez dito.
Kaya noong na-appoint si Ramirez na Continental Coordinator for Divine Mercy Asia ng Roma ay sinuportahan din nila ito.
Katunayan, pinahiram pa nila ang dalawang bahay na ginamit para sa misyong ito bilang venue ng mga formation seminar at bilang tirahan ng mga pari at madre galing sa Mainland China.
Labing dalawang grupo na ng mga tig-benteng pari at madre ang dumaan sa formation at naturuan ng Ingles sa pamamagitan ng proyektong ito ni Ramirez.
Bilang dating Vicar General ni Cardinal Sin na may track record na successful projects, madalas binibigyan si Ramirez ng mga assignment ng Cardinal.
Malapit kasi si Ramirez sa Chinese community.
Mataas ang respeto nila kay Ramirez at alam nilang walang nasasayang sa binibigay nilang donasyon.
Natural bawat proyekto ay nangangailangan ng pondo.
Saan niya kukunin ‘yon?
Ang Chinese community ang sumusuporta kay Ramirez.
Nakalulungkot lang na marami sa atin ang madali agad humusga ng ‘di tinitingnan ang track record ng ibang tao.
Sana po ay bigyan muna natin ng benefit of the doubt ang isang isyu para mabigyan ng pagkakataon na malaman muna natin ang buong istorya bago tayo manghusga agad ng isang tao.
Kinaklaro ko lang ang mga maling paratang kay Monsignor Ramirez.
Hindi po ito pagtatanggol sa mga Napoles dahil naniniwala ako na kung guilty sila, dapat silang managot sa kasalanan nila sa sambayanang Filipino.
The post MATINONG PARI SI MONSIGNOR RAMIREZ appeared first on Remate.
