BILIB talaga ako sa mga propagandista at tagapayo ni Pangulong Noynoy Aquino riyan sa Palasyo.
Dahil sa “mahusay” na payo na ibinigay nila kay PNoy hinggil sa kontrobersyal na pork barrel, ay nalilito ngayon ang mga tao, lalong-lalo na ang mga kritiko ng administrasyon.
Noong isang linggo kasi, dahil na rin sa banta ng malakihang protesta kaugnay ng Million People March sa Luneta, ay naobliga si Noynoy na ideklara na tatanggalin na niya ang kinamumuhiang Priority Development Assistance Fund na mas kilala sa tawag na pork barrel.
Wika nga sa Ingles ay stroke of genius ang ginawa ni Noynoy dahil napahupa niya ang galit ng mga tao dahil sa anunsiyong ito.
Ang deklarasyong ito rin marahil ang dahilan kung bakit mahigit 400 libong tao lang ang pumunta sa Luneta at hindi naman milyon gaya ng ipinanakot ng mga nag-organisa ng rally.
Pero maliban pa nga sa pagpigil sa pagdagsa ng tao ay isa pang is-yu ang lumitaw dahil sa anunsiyong ito.
Lumalabas kasi na kahit sinabi ni Noynoy na aalisin na ang pork barrel ay hindi naman talaga tatanggalin ito kundi iibahin lang ang proseso ng paglustay rito.
Mula sa direktang fund allocation para sa mga mambabatas ay isasama na lang ito sa tinatawag na line item budgeting na halos wala ring ipinagkaiba sa umiiral na sistema.
Sa madaling salita, ang anunsiyo ay maituturing na isang double speak na madalas gamitin ng mga nasa puwesto para manlinlang at makakuha ng mga kailangan nilang reaksyon at impormasyon.
Lalo pang tumindi ang argumento ng double speak dahil matigas din ang paninindigan ng Palasyo na huwag tanggalin ang sariling pork barrel ni Noynoy na kung tawagin ay President’s Social Fund na umaabot sa daan-daang bilyong piso.
Kung magkakagayon ay baka mag-alsa ang mga mambabatas dahil puwede nilang isipin na unfair si Noynoy dahil sinunog nito ang tabakuan nila pero hindi naman tinanggal ang tabakuan niya.
Tandaan natin na ang endorsement lang ng one third ng kabuuang bilang ng mga kongresista ang kailangan para maisalang sa impeachment trial si Noynoy.
Lumalabas kasi na ‘pag si Noynoy na lang ang may pork barrel ay matatanggal na rin ang tinatawag na power of the purse ng mga mambabatas at siyempre lahat na ng kapangyarihan ay mapupunta sa kanya.
At kapag nangyari ito ay tiyak na obligado na namang mag-imbento ng bagong strategy ang mga propagandista ng Palasyo.
The post DOUBLE SPEAK appeared first on Remate.