SA gitna ng iskandalo dahil sa pagsuko ni Janet Lim-Napoles noong nakaraang araw, maraming sari-saring opinyon pa ang narinig.
Ang ilan, paulit-ulit na lang, ang iba gaya-gaya.
Ang iba, para lang may masabi, nakisawsaw na rin.
May isang kongresista ang matapang na nanganti sa “Twitter” – the disruption caused by thieves!
Nagagalit ang mambabatas na ito sa mga magnanakaw sa gobyerno na sabi niya ay sanhi ng disruption o pagkaantala ng mga dapat magawa para sa bayan dahil sa mga magnanakaw sa pamahalaan.
Matapang ang isang ito sa pagsiwalat ng ng kanyang saloobin.
Tinaasan kaya siya ng kilay ng mga kapwa niya mambabatas na napabibilang ngayon sa listahan ng mga pinagdududahan o akusado?
O mabibigyan kaya ng atensyon na ang naghayag ng tapang na ito ay hindi katulad ng iba at siya ay hindi magnanakaw?
Meron pa ring isa na nag-twit ng tanong – “bakit hindi naisusulat ngayon ang mga mambabatas na walang kasalanan, malinis at tapat at may mga proyekto na pwedeng ipagmalaki sa bayan sa panahon ngayon na dismayado ang tao, frustrated, galit at ayaw nang magtiwala?
Pero ano ang sinagot ng mga nasa Twitter – “Kung malinis ka, huwag kang umasa na isusulat ka ng media.”
Ang iba ay hindi na talaga maniniwala na may malinis pa sa gobyerno.
Tsk. Siguro mahirap kumibo ngayon, lalo at parang ang intensyon ay idamay lahat, at ipahiya ang mga tao sa pamahalaan na nagtaksil sa bayan, umabuso at sobrang kumapal ang mukha.
Ang iba, ayaw na rin siguro kumibo dahil kung hindi man sila damay ay may mga kakilala sila o mga kamag-anak at kaibigan na nasa listahan ng mga binabatikos.
Pero sabi nga sa Ingles – “The darkest places in hell are reserved for those who maintain their neutrality in times of moral crisis.”
Oo kasalanan ang hindi kumibo lalo kung moralidad ang pinaguusapan at dahil sa krisis sa moralidad ang taya.
Hindi pwedeng hindi pumili ng paninindigan sa isyung ito ngayon na tinututukan ng sambayanang Filipino.
Pag-isipan natin ito nang taimtim.
Panahon na na papanagutin ang mga umapi sa bayan.
Sa isyu ng korapsyon, kung saan nalapastangan ang Pinoy at napagsamantalahan ang Inang Bayan, malaking kasalanan ang hindi kumibo, tumayo at manindigan.