SI Cadelina Domingo, kasambahay ni Janet Lim-Napoles, ay nakakulong sa Makati City jail.
No special treatment. No special doctor. No 24-hour security battalion.
Si Napoles ay ikinulong pansamantala sa Makati City jail. Binigyan siya ng courtesy call sa Malakanyang at sinamahan pa ni Pangulong Noynoy sa Camp Crame. No special treatment daw, sabi ng Pangulo.
May ref si Napoles; si Cadelina ay wala. May airbed si Napoles; wala para kay Cadelina. May aircon si Napoles; si Cadelina ay wala. May Mar Roxas si Napoles; wala para kay Cadelina.
Ipinakulong si Napoles sa bintang ng illegal detention na isinampa ni Benhur Lim Luy.
Ipinakulong ni Napoles si Cadelina sa bintang ng pagnanakaw na hindi tataas sa halagang ilang libong piso.
Si Napoles ay nagtago sa batas; si Cadelina ay hindi.
Dapat ay patas lang ang pagtrato sa dalawang suspek na ito. Pero hindi. Siguro ay dahil walang mahusay na abogado si Cadelina; si Napoles ay may Atty. Lorna Kapunan. Matapos ang isang araw ay inilipat na si Napoles sa isang bungalow sa PNP camp sa Sta. Rosa, Laguna. Nanatili si Cadelina sa Makati City jail.
Ang sabi ni Pangulong Noynoy, may death threat daw kasi si Napoles, kung anong threat ay hindi alam ni Pangulong Noynoy. Walang threat laban kay Cadelina kaya magtiis na lang siya sa Makati City jail.
Marami raw alam si Napoles tungkol sa P10-billion pork barrel scam na siya rin daw ang mastermind.
Marami rin sigurong alam si Cadelina. Naglingkod siya kay Napoles sa loob ng 10 years pero walang nagtatanong kung ano ang alam niya sa P10-billion pork barrel scam.
Hindi kaya ipapatay ng mga sangkot sa congressional pork barrel scam si Cadelina?
Ipatawag kaya siya ng Senado o ng DOJ?
Huwag kayong mangarap.
The post WALANG SPECIAL TREATMENT SA KASAMBAHAY NI NAPOLES appeared first on Remate.