NAGTATAYO na ang China ng konkretong istruktura sa inaangkin nitong teritoryo ng Pilipinas na Bajo de Masinloc na kilala ring Panatag o Scarborough Shoal, ayon mismo kay Dept. of National Defense (DND) Sec. Voltaire Gazmin.
Ito Ang Totoo: inihayag ni Sec. Gazmin ang impormasyon sa “House Committee on Appropriations” na dumidinig sa usapin kung magkano ang ilalaang pondo sa kanyang departamento sa susunod na taon.
Oo nga naman, seryoso ang pang-aagaw ng China sa mga teritoryo ng Pilipinas sa West Philippine Sea kaya malaki ang pondong kailangan ng kanyang departamento.
Ang tanong: ano ang ginawa ng DND at sandatahang lakas ng malaman na may itinatayo ang China sa Bajo de Masinloc? Sagot: gumawa raw sila ng report para kay Pangulong Noynoy Aquino at Dept. of Foreign Affairs.
Dagdag ni Sec. Gazmin na nito lamang ika-31 ng Agosto ay may namataan pa raw na tatlong barko ng China sa Bajo de Masinloc at hula ko, tulad ng hula niyo, gumawa sila ng report.
Tanong ulit: tama ba na walang aksiyon at pa-report-report na lang? Sagot: sa ganang atin, hindi – bitin!
Sa Sandatahang Lakas na sumumpang ipagtatanggol ang bayan sa mananakop at kalaban, hindi report lang ang ating inaasahan.
Mawalang galang na pero hindi po isinailalim sa pagsasanay, binig-yan ng armas at pinasusuweldo ng pera ng bayan ang magigiting na tauhan ng sandatahan para tumunganga lang.
Ok naman, lalo na itong mga opisyal, na pa-golf-golf, papasyal-pasyal at kain-kain lang kapag mapayapa ang kapaligiran pero kapag pinasok na ang teritoryo, dapat na silang magtrabaho, sukdulang itaya ang buhay dahil iyon ang sinumpaan nilang trabaho.
Ito Ang Totoo: ang panghihimasok ng China ay dapat sinasalubong ng pwersa tulad ng ating maaasahan kung ang Pilipinas ang manghihimasok sa teritoryo ng ibang bansa.
Walang iniwan sa sariling tahanan na talagang sisiklab ang karahasan kapag pinasok ng kung sino, malakas man o mahina ang kalaban.
Ang kawalan ng kahandaang magsakripisyo para sa bayan ay kahinaan at naglalagay sa bansa at lahing Filipino sa kahihiyan kaya tuloy kinakaya-kaya na lang. Ito Ang Totoo!
The post KAILANGANG LUMABAN KAHIT LAMANG ANG KALABAN appeared first on Remate.