SINO ngayon ang magpapanatili ng kapayapaan sa Manila City Hall matapos sibakin ni Manila Police District director Chief Supt. Isagani Genabe Jr. ang lahat ng mga pulis na nakatalaga sa pamahalaang lokal ng Maynila?
Hindi lang ang hepe ng Manila Action and Special Assignment (MASA) Center na si Chief Insp. Bernabe Irinco at operations chief Insp. Manuel Laderas ang sinibak kundi maging ang lahat ng mga tauhan nito, kabilang ang police escorts ni Manila Mayor Joseph Estrada.
Maging ang mga pulis na nakatalaga kay Vice Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ay pawang inalis din mula sa city hall detachment at itinalaga sa District Headquarters and Support Unit (DHSU) habang ang iba naman na malalapit kay Isko ay inilagay sa Manila Traffic Enforcement Unit (MTEU).
Aba’y hindi kaya giyera ang kalabasan ng hakbang na ito ng MPD headquarters? Ibig bang sabihin nito ay kinakalaban na ni Gen. Genabe si Mayor Erap na pumayag na manilbihan siya sa MPD bilang direktor? Noong panahon kasi ng dating administrasyon, ilang beses na tinanggihan si Genabe kahit ilang beses ring ipinipilit ng PNP.
Nagkaroon tuloy ng hinala ang mga tao na kaya ganito ang ginagawang scenario ay dahil sa mga bali-balita na pabababain ni Interior and Local Government Secretary Mar Roxas si Erap mula sa puwesto. Upang hindi mahirapan, tinanggal ang posibleng maging hadlang?
o0o
HINDI lang masipag at makataong pulis ang hepe ng Plaza Miranda Precinct na si Insp. Rommel Anicete kundi talagang ipinakikita nito ang husay niya bilang isang operatiba. Hindi lang talas ng mata at isip ang kanyang pinaiiral habang nag-iikot-ikot sa kanyang nasasakupan kundi maging ang kanyang lakas ng pakiramdam.
Noong isang linggo, nahuli nito sa kanyang pagtungo sa simbahan ng Quiapo ang isang 24-anyos na lalaking nagnanakaw ng donasyon sa simbahan gamit ang papel na nilagyan ng bubble gum at kinabitan ng sinulid.
Pagkakita pa lang ni Anicete sa tao na may hawak na perang kaagad na isinilid sa kanyang bulsa ay nagduda na ito bago pinakiramdaman ang lalaki na makalipas nga ang ilang sandali ay naghulog ng sinulid sa kahon na lagayan ng donasyon.
Pung! Hindi nagkamali ang pulis sa kanyang kutob na namimingwit ang lalaki ng pera mula sa mga donasyon ng taumbayan sa simbahan.
Sasampahan dapat ng kasong theft ang lalaki subalit mismong mga taong simbahan na kasama ang magulang ng lalaki ang nakiusap na huwag na lang ituloy ito.
Ipinapayo naman ni Anicete sa mga nagtutungo sa Quiapo, lalo na kapag araw ng Biyernes, na maging maingat upang hindi sila mabiktima ng mga masasamang loob.
Sinasamantala umano ng mga masasamang loob ang pagtaas-taas ng kamay ng mga taong nagsisimba at pagiging pabaya ng mga ito sa kanilang mahahalagang gamit at pera.
The post ERAP KINAKALABAN NI GENABE; MAHUSAY NA OPISYAL, OPERATIBA appeared first on Remate.

