MAY 2001 nang napapatay na mediamen simula nang nakamit natin ang kalayaan sa pamamamahayag sa pagbagsak ng diktadurya noong 1986.
Nasa 20 rito ang napatay sa panahon ni Pangulong Noynoy Aquino. Nasa 70 porsyento rito ang sinasabing kagagawan ng mga nasa pamahalaan.
At walang palatandaan kung kailan matitigil ang napakalungkot na pangyayaring ito kahit pa sa panahon ng “Tuwid na Daan.”
PINAKAHULING MGA BIKTIMA
Pinakahuling mga biktima sina Vergel Bico, publisher at editor ng Kalahi newspaper sa lalawigan ng Mindoro.
Eksaktong isang linggo naman o Agosto 29, 2013 nang patayin si Fernando ‘Nanding’ Solijon, anchor ng public affairs program ng Love Radio FM sa Iligan City.
Pinagbabaril hanggang sa mapatay si kasamang Vergel sa isang kalsada sa Pachoca Village, Calapan City ng riding in tandem noong Setyembre 4, 2013. Riding in tandem din ang pumaslang kay kasamang Nanding sa Buruun Iligan City.
DEATH THREATS AT PAGPAPATAHIMIK
Bago pinaslang sina Vergel at Nanding, katakot-takot na death threats lalo na sa mga opisyal ng pamahalaan ang kanilang natanggap.
Parehong pumupuna ang dalawa sa mga kailigalang ginagawa o korapsyon ng mga opisyal ng bayan.
Parehong pinatahimik ang mga ito upang hindi na magkaroon pa ang sambayanan ng balita at opinyon ukol sa korapsyon ng mga nanunungkulan.
MGA SUSPEK KILALANIN
Tungkulin ng pamahalaan na kilalanin ang mga suspek sa mga pamamaslang kina Vergel at Nanding.
Sabi, kumikilos na ang mga pulis para rito.
Pero hindi kaya matutulad lang ang kaso ng dalawa sa pinakamaraming kaso sa media killings na walang nangyari? Lord, sana naman hindi.
Kaya nandiyan ang lakas ng loob ng mga killer na ipagpatuloy sa pag-ubos sa lahi ng mga mamamahayag!
O sadyang mahirap para sa mga kinauukulan na mahanap ang mga suspek dahil galing mismo sa kanila ang mga mamamaslang?
ORTEGA CASE
Kung mahanap man ang mga kriminal ay tulong-tulong ang mga kinauukulan upang makatakas sa pananagutan ang mga suspek.
Malinaw ito, mga Bro, sa kaso ni Dr. Gerry Ortega na nakilala na ang mga suspek, ang mga principal.
Ngunit nagtulong-tulong ang mga nasa Department of Foreign Affairs at Bureau of Immigration upang makalabas ng Pinas ang mga suspek, lalo na ang mga principal na utak ng mga pagpatay.
Ganyan katindi ang ginagawa mismo ng pamahalaan sa mga suspek.
Ang mga pulis? Nganga!
PORK BARREL
Dito sa pork barrel ibinubuhos ng Palasyo at pamahalaan ang kanilang mga kapangyarihan, maging ang salaping bayan.
Tingnan ninyo, tinatrabaho nang husto ang paglalalabas ng mga ebidensya.
Dokumento, testigo at iba pang ebidensya sa gusto nilang pinsalain. Para sa katarungan daw, alay sa bayan.
At napakabilis pa ang mga ungas na ito sa pagkilala sa mga suspek daw sa pork barrel scam. Kinikilala na ang mga suspek, may katakot-takot pa silang ebidensya.
KUNG SINO LANG ANG GUSTO
Pinipili ng mga kinauukulan ng pinagtutuunan nila ng pansin.
National interest ba ang tawag sa paghahanap ng mga korap at mandarambong sa pamahalaan?
Kaya ganoon na lang ang pagsusunog ng kilay ng mga nasa puwesto para panagutin daw sa batas ang mga kawatan sa pamahalaan.
LIKO-LIKONG NATIONAL INTEREST
Kung pipigain nang husto ang tinatakbo ng pork barrel scam, lumalabas na pinipili lang ng mga player ang kanilang pipinsalain at may kaugnayan ito sa halalang 2016.
Kung sino ang makakalaban nila o ang kanilang kandidato para sa Malakanyang sa 2016 ang dinudurog ng “national interest.”
At napakasakit isipin para sa sambayanan na hindi isinasali sa pinalalabas na mga rekord ang mga kakampi o manok nila.
At sinusubukan pa nilang gamitin sa kanilang 2016 target ang tatlong Maria sa Justice Department, Commission on Audit at Office of the Ombudsman, ayon sa mga netizen na madadaldal sa Facebook at Twitter.
Ganyan kagagaling sa paghahanap ng kasalan ng kanilang mga kaaway ang mga nakapuwesto sa bundok ng pamahalaan.
Pero mag-ingat sila dahil maraming nalalaman ang mga netizen, maging ang mga mamamayan na nagbibigay ng impormasyon o balita sa atin sa dyaryo at iba pang regular na media gaya ng mga telebisyon at radyo.
MEDIA KILLINGS INIITSAPWERA
Ang gusto lang nating sabihin, mga Bro, ay lumalabas na pansariling interes ng mga nasa poder ang pork barrel scam, kahit totoo pa ito.
Hindi natin nararamdaman ang kapangyarihan ng pamahalaan para protektahan ang mediamen para sa mabilis sanang pagkilala at pagdiriin sa hukuman sa mga may gawa ng media killings.
Wala rin tayong naririnig na pabuyang P10 milyon laban sa media killers.
At lalong walang aksyon ang pamahalaan para sa mungkahi nating bigyan naman nito ng importansya ang buhay ng mediamen.
Mabuti pa si Napoles, binibigyan na nila ng guwardiya, itinuturing pa siyang reyna sa detention cell kahit pandarambong pa ang kahaharapin nitong kaso.
Ang masaklap, gagawin pa siyang state witness laban sa kanilang mga kalaban sa pulitika hanggang sa mapawalang sala ang pork barrel scam queen?
oOo
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa 09214303333.
The post DEDMA SA MEDIA KILLINGS’ AT BINEBEYBI SI NAPOLES appeared first on Remate.
