DAHIL sa katarantaduhan at kahinaan ng liderato, dapat sigurong balasahin na ang kasalukuyang pamunuan ng pulisya ng Baliwag.
Kung sinoman ang police chief ng bayan na ito, aba’y, pakiwari natin, hindi nararapat itong magtagal pa sa kanyang puwesto.
Tuwirang sinasabi ng mga taga-Baliwag na kaliwa’t kanan ang nangyayaring krimen, ang latest ay ang pagkamatay ng isang election recall mover.
Pinagbabaril ang naturang ‘recall mover’ ng mga armadong lalaki na pinaghihinalaang goons ng inire-recall na kasalukuyang alkalde.
At ang sinasabi ng mga taga-Baliwag, ang ngayo’y liderato ng pulisya ng bayan ay walang ginagawa para masupil ang lumalalang krimen.
‘Di ngayon lang, kundi maraming beses na tayong nakatanggap ng reklamo sa kahinaan ng Baliwag police laban sa mga sumasalungat sa batas.
Kamakailan nga lang, isang kaibigan ang dumulog sa atin, inireklamo ang tangkang panghihingi sa kanya ng P80,000 ng Baliwag police.
Ito’y, para siya’y ‘di raw kasuhan ng child abuse, isang kaso na gawa-gawa lamang para makapangotong sa aking kaibigan, isang Chinese businessman.
‘Di ba’t nakahihiya ang ginagawang ito ng Baliwag police. Sec. Mar Roxas at D/Gen. Alan DG Purisima, ‘di ba nakahihiya?
TAKE NANG TAKE SI MAJOR
No take policy, iyan ang bilin ng PNP leadership, pero kabaliktaran ang ginagawa ng isang Maj. Bernard Pascua, intel chief ng Marikina City.
Sabi nga ng isang pulis na nagsusumbong sa Chokepoint, malaki ang ginagampanan ni Pascua bilang intel officer sa crime prevention.
Pero imbes daw na magtrabaho para hulihin ang mga lawbreaker, ang ginagawa’y kausapin ang mga Gambling Lord para mag-operate ng sugal.
Sa sugal daw kasi, ayon pa sa nagreklamo sa ating pulis, limpak-limpak ang pera.
Aba’y naloko na, si Pascua pa raw ang pasimuno sa iligal.
Kung totoo ang sumbong na ito na ating natanggap sa kapwa rin niyang alagad ng batas, aba’y may pananagutan si Major Bernard Pascua.
Dapat malaman ni Maj. Pascua na ang alagad ng batas ay ‘lawman’, at ‘di ‘lawbreaker’ na tulad ng ipinapakitang pagpoprotekta raw ng iligal.
Bagsak ang imahe ng PNP dahil sa mga pulis na walang modo at iligalista.
The post BALIWAG POLICE BALASAHIN appeared first on Remate.