KARAPATAN ng bawat tao na makatikim ng malinis na inuming tubig habang obligasyon ng pamahalaan na maihandog ito sa mga tao.
Subalit paano ito maidudulot ng gobyerno sa tao kung hindi maganda ang ipinamamalas ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System Regulatory Office.
Kamakailan lang ay naudlot ang pag-aanunsiyo nito ng water rate rebasing dahil hindi masagot nang matino ng regulatory office ang karamihan sa mga naging tanong ng MWSS Board of Trustees kaugnay sa rate rebasing ng dalawa nitong concessionaires – ang Manila at Maynilad Waters.
Nakatakdang ianunsiyo noong nakaraang linggo ng MWSS ang water rate rebasing pero hindi nga ito nangyari dahil sa kapalpakan ng MWSS-RO.
Saan kaya napupunta ang idinedeklarang gastos para sa consultation package ng rate rebasing review na umano’y umaabot sa P60M? Ano? Ganoon kalaki?
Hindi na magtataka ang marami kung pumasok na lang ito sa bulsa ng ilang opisyal ng nasabing ahensiya ng pamahalaan.
Kahit kailan naman, laging nasa pamahalaan ang malalaking isda na hinahanap ng taumbayan. Aba’y tiyak na palpak ang hinihintay na water rate rebasing. Kumuha kayo ng consultant na may puso at isip.
Kailangang isipin ng MWSS ang maayos na serbisyo ng tubig sa mga liblib na lugar sa Kamaynilaan at malalapit na probinsiya sa pamamagitan ng Public-Private Partnership ng dalawang water concessionaires.
Kapag pumalpak ang serbisyo ng PPP dahil naman sa kapalpakan ng MWSS-RO, aba’y dapat silang ipako sa krus upang maranasan nila ang mga pinagdaraanang hirap ng mga taong hindi nabibigyan ng maayos na suplay ng malinis at inuming tubig.
oOo
MALI umano ang nasagap na balita ng PAKUROT kaugnay sa pagsibak ni Manila Police District director Chief Supt. Isagani Genabe Jr. sa lahat ng pulis na nakatalaga sa tanggapan ni Manila Mayor Joseph Estrada.
Ito ang ipinipilit ng isang emisaryo na tumawag upang sabihing hindi intensyon ni Gen. Genabe na sibakin sa puwesto si Chief Insp. Bernabe Irinco, hepe ng Manila City Hall Police Detachment, Insp. Manuel Laderas, deputy at operation chief at mga tauhan, kabilang ang police escorts ng alkalde.
Kasalanan umano ni Supt. Orlando Mirando, hepe ng Ermita Police Station, ang pagkakasibak ng mga tauhan ng Manila City hall, dahil ayaw na nitong ikarga sa kanya ang bilang ng mga nakatalaga sa city hall, tourist police at escorts ng alkalde.
Nakatatawa naman dahil iba ang nabatid sa tanggapan ng MPD personnel na nagsasabing mismong si Gen. Genabe ang may utos sa kanya. Pasensiya na po. Malakas pala ang padrino ni Mirando kaya ‘di siya kayang sibakin.
The post MWSS RATE REBASING NAUDLOT; ITINAMA ANG PAGKAKAMALI appeared first on Remate.
