TILA mindset na ng marami nating kababayan na kayang solusyunan ng pangingibang-bayan ang kahirapan. Maraming Filipino, lalong-lalo ‘yung mga nakararanas ng paghihirap at mga pagsubok sa buhay, lalo na sa aspetong pinansiyal, ang nangangarap na mangibang bansa.
Para sa kanila, ito ay gaya ng isang pintuan na magdadala sa kanila ng tagumpay na kanilang minimithi. Ngunit tunay nga bang ito ang solusyon? O nagiging isa lang itong dibersyon upang isipin natin na maaari ngang magkaroon ng shortcut o maigsing daan tungo sa tagumpay na ating inaasam-asam?
Sa Chicago ay nakilala ko ang isang Pinoy na nagpakilala bilang si RJ. Sa aking panayam sa kanya, ipinakilala niya sa akin ang ibang mukha ng paninirahan sa Amerika. Isa si RJ sa mga Pinoy na pinalad na mabigyan ng pagkakataong makarating sa Amerika, at tulad ng karamihan, nangarap siya nang higit na magandang buhay roon.
Maganda na ang buhay ng pamilya ni RJ sa Pilipinas, sa katunayan ay mayroon silang mga kasambahay kung kaya’t ni hindi siya marunong magsaing nang pumunta sila sa Chicago.
Hindi niya kailanman naisip ang mga pagsubok na kanilang kinaharap doon.
“Hindi muna ako nag-aral, ako ang nag-aalaga sa mga bata, ako ang nagsasaing,” kwento niya. Kinailangan din niyang magtrabaho, upang higit na makatulong sa pamilya. Sa negosyong itinayo ng kanyang tiyahin, ay naging driver siya. Hanggang sa makapagtrabaho siya sa isang nursing home bilang nurse assistant at bagama’t mahirap, dahil sa likas na kasipagan, nagkaroon siya ng sarili niyang bahay at sasakyan, hanggang sa maisipan niyang magtayo ng isang negosyo, kasosyo ang kanyang kapatid.
Noong una ay naging matagumpay ang negosyong itinayo niya, hang-gang sa nagdesisyon siyang mag-resign sa kanyang trabaho upang higit itong matutukan, subalit hindi niya inasahan na ito ang magiging simula ng kanilang pagbagsak. Dahil sa laki ng gastos ng pamilya na iniasa sa kita ng negosyo unti-unti itong nalugi at bumagsak. Dahil sa kakapusan napilitan si RJ na gumawa ng mga iligal na bagay upang mabuhay. Paggawa ng pekeng mga tseke ang naging raket niya.
“Lahat ng paraan ginawa namin kahit iligal, paggawa ng fake check sa computer, bogus account. Papatungan ‘yung amount, pepekein ‘yung pirma. Idedeposito ko sa account ko, nag-deposito ka ng 5000 dollars, next day mawi-withdraw mo na. ‘Yan ang pinaka-easy na crime to do, paperless,” salaysay niya. Aminado siya na marami pa siyang iligal na gawain na kinasangkutan sa Amerika, subalit dahil na rin sa kagustuhang magbago at sa tulong ng kanyang pamilya ay unti-unti na siyang nagbabago.
Maraming kwento ng tagumpay sa ibang bayan ang ating naririnig, subalit ilan lamang ang mga gaya ni RJ, na may lakas ng loob na aminin ang kanilang pagkabigo. Maaari ngang malaking tulong o oportunidad ang naibibigay sa atin ng pagpunta sa ibang bansa, subalit lagi nating tandaan na ang ating ikatatagumpay ay nasa atin pa ring mga kamay.
Sipag, tiyaga at mga pagsubok ‘yan ay talagang pagdaraanan bago makaahon at tuluyang makabangon.
*******
Sa iba pang istorya ng buhay ng ating mga kababayan overseas, tumutok lamang sa Biyaheng Langit at Kasangga Mo Ang Langit sa PTV-4 tuwing Miyerkules, 8:30 ng gabi.
Bisitahin ang Facebook fan page: BIYAHENG LANGIT/KASANGGA MO ANG LANGIT.
The post LANGIT NA HINDI NAKAMIT appeared first on Remate.