HABANG tumatagal ay lalong lumalala ang gulo sa pagitan ng dalawang grupo ng mga tricycle driver ng Brgy. Sikatuna Village Tricycle Operators and Drivers Assn. dahil na rin sa umano’y pakikialam ng Brgy. Chairman ng Brgy. Sikatuna Village na si Anabelle Curatcho.
Sinasabing nagsimula ang iringan pagkatapos ng BSV-TODA election noong nakalipas na taon nang ilampaso ng nanalong President na si Nestorio Tagnepis ang asawa ni Brgy. Chairwoman Curatcho.
Magmula noon, ay naging masalimuot na ang takbo ng nasabing organisasyon dahil hindi na magkasundo ang Brgy. Chairwoman at ang nanalong toda officers.
Lalong gumulo ang sitwasyon ng bangayan nang aprubahan ng BSV-TODA ang Body No. 120 kung saan ay kinuwestyon ng mga kaalyado ng Brgy. Chairwoman dahil ang body number na ito ay may problema raw.
Kung totoong may problema ang Body No. 120, sana ay hindi na rin isyu ang barangay clearance nitong si Chairman Curatcho na siyang may sole responsibility sa pag-iisyu ng barangay clearance.
Ang proseso po kasi sa pag-iisyu ng barangay clearance ay kailangang makita physically ang tricycle at ang toda clearance bago ito mabigyan ng clearance.
Kung doon pa lang ay nakita na ni Curatcho ang problema, sana ay hindi na niya ito binigyan ng barangay clearance para hindi na sana umabot sa ganito kalalang problema ang nasabing toda na may mahigit 300 tricycle.
Lalong pinalala ang sitwasyon nang magkaroon ng biglaang election of officers ang nasabing toda na ang nagdaos ng election ay mga kaalyado ni Chairwoman Curatcho.
Biglang naupong Presidente itong si Francisco Salva alyas Pastor na talaga namang isang maligalig na tao at maging ang ibang TODA ay gustong nitong sakupin at guluhin din.
Pambihira naman itong si Chairwoman Curatcho, kukuha rin lang ng gagawin niyang fake na president ng nasabing toda, eh, ‘yung magulo pa.
Dapat ‘yung medyo matino naman para kapani-paniwala.
Sa ngayon ay nagkakasakitan na ang grupo ni BSV-TODA Pres. Tagnepis at ng mga kaalyado ni Brgy. Chairwoman Curatcho at, sa katunayan, pati ang Quezon City Police District (QCPD) ay naguguluhan na rin dahil pabalik-balik na sila sa tanggapan nitong si QCPD Director Gen. Richard Albano at Station 9 Commander Col. Fiesta.
Pumagitna na sa nasabing kaguluhan ang Quezon City-TODA-FED at nagkasundong wala munang daily dues na kukunin sa mga driver hangga’t hindi pa napagpapasyahan kung sino
talaga ang presidente ng nasabing toda ngunit binalewala ito ni Pastor at patuloy ang kanilang pangongolekta ng daily dues sa mga driver. (ITUTULOY)
The post SINO ANG NASA LIKOD NG KAGULUHAN SA BSV-TODA? appeared first on Remate.