NAGBABANTA, parekoy, ang isang malaking unos sa Senado.
At posibleng maging sa Mababang Kapulungan ng Kongreso hanggang sa Palasyo.
Kaugnay ito sa bilyong pisong Priority Development Assistance Fund o PDAF na sa halip mapakinabangan ng taumbayan, lalo na ng mahihirap nating kababayan, ay ibinulsa lang pala ng mga ganid na politiko na kung umarte ay aakalain mong maaamong tupa.
Nasa loob pala ang kulo ng mga hinayupak!
Sa mga kaganapan ay biglang namulat ang taumbayan na habang naghihingalo sa kahirapan tayong mga dugyot ay nagpapakasasa pala itong mga opisyal ng gobyerno sa sandamakmak na buwis ng bayan!
Pero ngayong nagkakaipitan na ay nakahanda na umanong magsalita si Sen. Jinggoy Estrada.
Alam naman ng lahat na isa si Jinggoy sa posibleng makulong (na naman?) dahil sa kasong plunder o pangungulimbat. At sa tumbok ng imbestigasyon ng Senado ay mukhang iipitin talaga itong grupo nina “seksi.” He, he, he.
Kaya naman nagbanta na si Sen. Estrada na pasisingawin na lang niya ang buong baho ng Senado. Kesa nga naman silang nasa oposisyon lang ang pahihimasin ng rehas na bakal.
Kesa nga naman silang nasa oposisyon lang ang patuloy na kokondenahin ng taumbayan dahil sa pagnanakaw.
Aba, ilantad na natin para lumabas ang baho ng lahat! Hak, hak!
Dito natin makikita, parekoy, ang ilang senador kung diriinan pa ba nila ang pag-urirat sa mga susunod na senate hearing at walang itinatago!
-o0o-
Simula nang umupong alkalde ng Caloocan City itong si Mayor Oca Malapitan ay naging lantaran na ang iligal na sugal sa nasabing lungsod.
Lalo na ang Video Karera (VK) na kinahuhumalingan ng mga kabataan sa Bagong Silang kung saan mismong mga pulis ang may-ari ng mga nakalatag na makina.
Kahit nga sa mismong malapit sa city hall ay naglipana ang VK ni Oyie Santos.
Ayon sa ating tawiwit, may tauhan si Mayor Oca na naatasan para sa “weekly collection” mula rito sa mga iligal na pasugalan.
Maging ang “bagman” ni NPD Director C/Supt. Joel Alvarez na si Major Ricalde ay masipag din sa pangongolekta.
Ano ba, Mayor Oca Malapitan, pababahain mo ba talaga ang iligal na sugal diyan sa Caloocan? Ha?
Kung totoo ang ulat na simula nang maging alkalde ay naging regular din ang pamamasyal ni Mayor Oca sa casino, aba eh, mahihirapan nga siyang ipatigil itong iligal na gawain sa kanyang lugar. Sayang din, parekoy, ang “weekly collection”!!!
The post SUGAL SA CALOOCAN AT BAHO NG SENADO SASABOG appeared first on Remate.