MUKHANG hindi na makaaahon sa dati nitong imahe na may kredibilidad ang Mataas na Kapulungan ng Kongreso.
Ito ay matapos masangkot ang mga miyembro nito sa sari-saring anomalya, pinakahuli at ang pinakamalaki nga rito ay ang pork barrel scam na kinasasangkutan nina Senador Jinggoy Estrada, Bong Revilla, Bong-bong Marcos at Juan Ponce Enrile.
Mabigat ang problema ngayon ng Senado na pinamumunuan ni Franklin Drilon dahil ang pangalan ng buong institusyong kanyang pinamumunuan ang nasapol ng naturang anomalya dagdag pa rito ang pagbanat at pagpapalaki sa naturang isyu ng ilang miyembro nito na katulad ni Senador Mirriam Defensor Santiago.
Malaking pera ng bayan ang pinag-uusapan sa pork barrel scam na pinaraan umano ng naturang mga mambabatas kay Janet Lim-Napoles kaya’t talaga namang nag-react ang mamamayan dito dahil garapalan ang pagsilid nila sa pera ng bayan.
Ang masakit pa nito ay naging kontrabidang lalo si Drilon sa hindi niya pagpayag na padaluhin sa hearing ng Senate Blue Ribbon Committee si Napoles gayung kailangan ito upang maliwanagan ng mga mambabatas at mamamayan ang tunay na nangyari sa pork barrel ng mga tinukoy na mambabatas.
Naging double standard tuloy ang Senado sa pagpapatawag ng mga resource person dahil pinirmahan ni Drilon ang pagpapatawag sa mga whistleblower pero ang kay Napoles, na siyang itinuturong mastermind ay hindi nito nilagdaan na lalong ikinagalit ng publiko.
Lumabas tuloy ang ispekulasyon na may pinagtatakpan si Drilon at kasama na rito siguro ang kanyang sarili at ibang amo sa Liberal Party at Malakanyang na sa malaon at sa madali ay lalabas ding nakinabang kay Napoles.
The post MAKAAAHON PA BA ANG SENADO? appeared first on Remate.
