KUNG hindi mo kayang mamuno Mr. Benigno Simeon Aquino III (BSA3), mabuti pa na magbitiw ka na lang bago ka isumpa ng sambayanan. Kahit papaano, kapag nagbitiw ka, may matitira pa sa iyo kahit kaunting paggalang.
Lunes nang magsalita ka sa telebisyon na tila wala man lang paunang pasabi sa mga television network. Ang sabi mo, tagumpay kayo sa nangyaring bagsik ng bagyong Yolanda. Ipinagyabang mo ang weather forecasting bureau, PAG-ASA, na mahusay ninyong nabigyang-babala ang mga kababayan natin sa mga apektadong lalawigan at mga bayan. Ang tanong, anong tagumpay ang inyong nagawa?
Totoo na nagbabala kayo pero naunawaan ba ng taumbayan ang “typhoon surge,” ang “monster typhoon” o super typhoon? Nagpayo kayo na magtungo sila sa mga evacuation center. Alam mo ba na mas marami ang namatay kung hindi man napahamak sa itinalaga ninyong evacuation centers?
Nagsalita rin kayo na tila nag-uulat. Sabi mo, libo-libong relief goods kada ikalawang araw. Nasaan ang mga iyon? Sino ang mga namimigay ng tulong? Isang araw nagpunta nga si Dinky Soliman na may hatid na relief goods sakay ng helicopter. Ano ang dala? SAMPUNG SAKO!!! Aba Noynoy, magpapatayan pa sa agawan ang mga biktima ni Yolanda.
Sa iyong panayam sa CNN News ng programang Amanpour. Sinabi mo uli na nalinis, naalis mo na ang mga kalat o debris na nakaharang sa mga pangunahing lansangan. Hindi ka ba nahihiya sa panayam na iyon? Hindi lang mga Filipino ang nanonood at alam nila mula sa mga video footage na limang araw na, wala ka pang nagagawang matino para iligtas at tulungan ang mga biktima ni Yolanda.
Masakit ang mga binitiwang salita ng CNN host kung naiintindihan mo siya. Malinaw ang tanong-duda niya sa iyong mga sagot-kasinungalingan. Hindi ka ba nahihiya sa iyong mga ginagawa? Hihiramin ko ang iyong sinabi sa iyong SONA, “saan ka kumukuha ng kapal ng mukha para patuloy na pagtakpan ang pagkukulang ng iyong mga tauhan at patuloy mong kasinungalingan?”
Tuloy, naglulutangan ang iba’t ibang reaksyon mula sa ating mga kababayan sa maraming social sites. Nabasa mo ba ang lahat o ayaw ipakita sa iyo ng iyong mga sipsip at tamad na tauhan? Nakahihiya kayo sa Malacañang. Itigil na ninyo ang takipan at kasinungalingan.
Isa sa panawagan na nakaposte sa Facebook at iba pang social sites, “BAWAL SA SINUMANG POLITIKO ANG HUMAWAK NG TULONG MULA SA MGA DAYONG BANSA. MAS ANGKOP YATA NA, “BAWAL HAWAKAN NG SINOMAN SA MGA TAGA-MALACAÑANG AT KAALYADONG POLITIKO ANG MGA TULONG MULA SA IBA’T IBANG BANSA!” Tatlong malaking kasinungalingan, hindi mo ba iyan titigilan? Magbitiw ka na lang!
The post 3 KASINUNGALINGAN NI PNOY appeared first on Remate.

