HINDI biro-biro, mga Bro, ang mga kinahaharap na gutom, kawalan ng masisilungan at kinabukasan at iba pang kamalasan ng mga biktima ng super bagyong Yolanda.
RELIEF GOODS AT GUTOM
Sabi ng mga nakatatanggap ng relief goods, “Opo, maiibsan ang aming gutom sa loob ng dalawang araw, pero bukas, ano na ang magaganap?
Sa kabilang banda, suwerte ang mga madalas na nabibigyan ng relief goods dahil kahit papaano, napahahaba ang kanilang panahon na magpalakas ng katawan mula sa panghihina sa bangungot, pagkaulila at pagkakasakit.
Pero katulad ng mga bibihirang makatanggap ng relief goods, darating din ang araw na wala na silang matatanggap.
Dahil sa totoo lang, may hangganan din ang relief goods, lalo na ang galing sa mga non-government organization at dayuhan.
Hindi rin tayo nakasisiguro kung makakayanan nina Manay Dinky Soliman ang matagalang pagkalinga sa mga biktima na ganap na nawalan ng kakayahan na maghanapbuhay.
Alalahaning mahigit isang milyon ang labis na napinsala at hindi biro-biro ang pagpapakain, pagpapagamot, at iba pang pag-aasikaso ng DSWD sa mga ito sa kalaunan.
SILUNGAN DIN
Grabe rin ang pamumuhay nang walang silungan.
Naririyan ang pagka-expose ng mga biktima sa sikat ng araw, lamig ng gabi at ulan.
Bukod sa kalagayang ito, naririyan din ang labis na kalungkutan na bumabalot sa mga biktima habang nakikita nila ang kanilang mga tahanan na nawasak at kinamatayan ng kanilang mga kamag-anak.
Halo-halo ang labis na nakalulungkot na kalagayan ng mga biktima kaugnay ng kawalan nang masisilungan.
TENT CITY
Hangga’t maaari, magtayo sana kaagad ang pamahalaan ng tent city.
Siyempre pa, naririyan halimbawa ang Philippine National Red Cross na gumagawa na rin ng paraan na makatulong ng tent city na maaaring itayo hindi lang sa Cebu kundi sa mga ligtas na lugar mismo sa mga calamity area.
Magandang may maitayo na tent city para sa mga biktimang handang tumulong para sa pagbangon ng kanilang mga komunidad. May alok kasi mismo ang pamahalaan na work for food at iba pang benepisyo para sa mga survivor na pilit na lumalaban sa masakit at mapait na alaalang iniwan ni Yolanda.
“Yun bang === hindi nawawalan ng pag-asa na balang araw ay makababangon din sila sa kani-kanilang lugar.
Pero para sa mga naulila, ang mga nawalan ng kakayahang mabuhay, ang mga nasiraan ng loob maging sa kanilang kinabukasan, maganda talaga ang ipagtayo sila ng tent city sa mga lugar na pansamantalang doon sila magpapalakas ng katawan at loob na humarap sa sakuna.
Saka na sila aakayin muli na bumalik sa kani-kanilang lupang sinilangan at nilakhan upang magtulong-tulong na ibangon ang nasira nilang buhay.
BUHAY SA LUPA AT KARAGATAN
Isa sa mga pupuwedeng gawin ng mga kinauukulan ang pag-ayuda sa mga mangingisda at magsasaka.
Mayaman ang dagat at mataba na ang kalupaan sa nakararami sa mga calamity area. Dito dapat umayuda ang mga kinauukulan upang maging produktibo ang mga mangingisda at magsasaka.
Ang mga mangingisda na nawasakan o nawalan ng mga bangka, makinarya, lambat at bingwit ay pupuwedeng tulungan na makapagpundar ng kanilang mga gamit at makapalaot muli.
Ang mga magsasaka nama’y bibigyan ng kanilang puhunan upang makapagbungkal ng lupa, makapagtanim at makaani sa huli. Nasiraan o nawalan din ang mga ito ng mga hayop o kalabaw o makinarya na katulong nila para pagyamanin ang mga sakahan.
Katulad ng mga mangingisda, nawalan din ang mga magsasaka ng panggastos sa lahat ng gawaing produksyon at dapat na handang umayuda rito ang mga kinauukulan. Tingnan ninyo, sila ang pagmumulan ng milagro sa pamumuhay hindi lang para sa kanilang mga sarili kundi para sa iba.
ANG MGA OBRERO
Hindi naman matatawaran ang kakayahan ng mga obrerong Pinoy bilang haligi rin ng bansa at kanilang mga komunidad at pamilya.
Kahit sinong obrero ang makausap ninyo, handa silang magbanat ng buto at magpatulo ng pawis para lang mabuhay at ang kani-kanilang mga survivor na pamilya.
Sa mga paglilinis sa mga lugar na may kalamidad at reconstruction, always ready ang mga ito na maging obrero. Maganda kung ang mga nakalamidad ang mabigyan ng oportunidad na mapasama sa mga paglilinis at reconstruction sa mga tahanan at imprastraktura sa lugar.
Napakarami ang mga karpintero, mason, electrician, technician, welder, mekaniko, operator ng mga heavy equipment, drayber, encoder sa computer at iba pa na pupuwedeng bigyan ng pagkakataon na mabuhay at maging kasangga sa pagbangon ng mga nasalantang lugar.
MAGBUHOS NG PONDO
Tanging ang pamahalaan ang pagmumulan ng pangmatagalang paraan para muling makabangon at makabalik sa normal na pamumuhay ang mga biktima.
Nasa kamay kasi ng pamahalaan ang mga dambuhalang pondo na galing sa buwis ng mga mamamayan, kabilang ang mga nasalanta ng bagyo.
Hangga’t maaari, huwag nang padaluyin pa sa mga gagong politiko ang mga pondo at istriktong hawakan ng pamahalaan ang mga proyekto at programang pag-ahon mula sa pagkakalugmok ng mga biktima at pagtindig ng mga ito upang makamit nila ang makataong pamumuhay nang may kinabukasan na rin.
o0o
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa 09214303333.
The post MANGINGISDA, MAGSASAKA, OBRERO AT KALAMIDAD appeared first on Remate.
