MATAPANG na sinabi ni Energy Secretary Jericho Petilla na handa siyang magbitiw kung hindi pa maibabalik ang kuryente sa mga lugar na nasalanta ng bagyo at lindol bago ang araw ng Pasko.
Matapang na mga pangungusap lalo pa at ang mga unang pahayag ay aabutin daw ng anim na buwan hanggang isang taon bago maibalik ang serbisyo ng kuryente.
Kahanga-hanga ang mga public servant na ganito, handang isugal ang kanilang pangalan at reputasyon para sa kanilang sinumpaang tungkulin sa bayan.
Ang sabi pa ni Sec. Petilla, kung gusto raw ng kung sinoman ang kanyang pwesto bilang kalihim ng DOE ay maghintay ang mga ito bago mag-Pasko, sa kanyang binitiwang deadline.
Marami talaga ang nalungkot noong unang napabalita na matagal pa bago maibabalik ang kuryente sa mga lugar tulad ng Samar, Leyte, Bohol, Iloilo at iba pang mga lugar na nasalanta ng Yolanda at 7.2 intensity earthquake.
Nagtatanong ang mga mambabatas at ang publiko sa DOE ng “Bakit ang tagal?”
Ang hirap talaga ng walang kuryente, wala ka ng ilaw, wala pang tubig sa mga lugar na kailangan ng kuryente para makapagserbisyo ng tubig sa mga komunidad.
May mga tumaas ang kilay rin sa pahayag ni Sec. Petilla – ‘pag hindi n’ya natupad ang kanyang pangako at mag-resign s’ya, tanggapin ba kaya ni PNoy?
May mga nangyari kasi na nag-resign ang isang public servant dahil hindi masaya ang Pangulo sa performance nito, pero hindi naman tinanggap ang resignation.
O kaya ay maibalik man ni Petilla ang kuryente pero sa ilang lugar lang at hindi sa pangkalahatan.
Paano mo hahatulan ‘pag ganun. Pero kahit pa, marami pa rin ang tumaas ang pag-asa sa pahayag ni Sec. Petilla.
Ang iba ay nagsasabi – hindi magpapahayag ang kalihim nang ganun kung hindi n’ya sigurado, at least 50%, na pwedeng mangyari ang kanyang pangako.
I’m sure ayaw n’yang mapahiya sa bayan, higit sa lahat ayaw n’yang mapahiya si Pangulong Noynoy Aquino.
Abangan natin ang pangako ni Sec. Petilla.
After all, napakalaki nang kanyang itinaya – ang kanyang pangalan.
The post NAPAKALAKING TAYA appeared first on Remate.