KUNG halos maliliit na mamamayan ang dinale ng super bagyong Yolanda at Bohol-Cebu earthquake, ngayon naman ay nagsisimula nang mabagyo at malindol din ang mga makapangyarihan sa pamahalaan.
Maihahambing sa super bagyo at malakas na lindol ang Priority Development Assistance Fund na idineklarang labag sa Konstitusyon ng Supreme Court.
Mukhang isasama sa hukay ng bagyo at lindol na PDAF ang maraming opisyal ng Palasyo at Kongreso na nang-abuso nito.
‘Yun bang wala ng ginawa kundi ang magpayaman sa pamamagitan ng PDAF.
HINDI LANG PDAF
Makaraang ideklara ang PDAF na labag sa Saligang Batas, idinawit na rin ng mga Hukom na labag din sa nasabing batas ang nilikha noon ni Madam Cory noong Pangulo pa siya ng mahal kong Pinas.
‘Yun bang—Countrywide Development Fund na bininyagang PDAF sa huli.
Labag din ang congressional insertions o paningit ng mga mambabatas o taga-Palasyo sa mga ginagawang pambansang badyet.
Isinamang labag din sa batas ang bahagi ng Presidential Social Fund na nagsasabing pupuwedeng gawin ito para sa mga imprastraktura.
At maging ang bahagi ng batas sa Malampaya natural gas ay idineklarang labag din sa Konstitusyon.
Lalo na ang parte nitong nagbibigay ng pahintulot sa Pangulo ng bansa na gamitin sa ibang proyekto o programa ang pondo nito, bukod sa mga nauukol sa enerhiya.
USIGIN SILA
Pero hindi hanggang doon lang ang desisyon ng SC.
Sinabi ng mga Hukom na dapat habulin ang mga may pananagutang kriminal sa PDAF, CDF at congressional insertions.
May kulong ‘yan, mga Bro.
Maaaring ilang taon lang o panghabambuhay.
Akalain mo, simula no-ong panahon ni Madam Cory ang dapat na kalkalin ng Department of Justice at Office of the Ombudsman.
NOSI BALASI, SINO BA SILA?
Sino ang mga nang-abuso, sino ang mga nagnakaw, sino ang mga nagpayaman, sino ang mga gumawa ng mga hilaw na proyekto, sino ang gumawa ng ghost project, etcetera, ang mga tanong na tataglayin ng DOJ at Ombudsman.
Bukod sa pagkakakulong, tiyak na ipababawi rin ng Supreme Court ang mga nakaw na yaman ng lahat ng mga korap at mandarambong sa mga pork barrel na PDAF, CDF at congressional insertions.
TAGA-PALASYO, TAGA-KONGRESO
Pangunahin na target ng Supreme Court ang mga pinakamatataas na opisyal ng pamahalaan mula sa Palasyo hanggang sa Kongreso.
Nadadawit ang Palasyo at hindi lang ang mga senador at kongresman dahil ang Palasyo mismo ang nagbibigay o nagdadamot ng CDF, PDAF at congressional insertion.
Alam ng lahat kung paano nito binibigyan o pinagdadamutan ng mga nasabing pork barrel ang mga kaaway nila sa pulitika.
Siyempre pa, itong mga senador at kongresman, mga Bro, paghawak nila sa kani-kanilang mga pork barrel, kanya-kanya na ring kikbak sa mga ito.
May gumagawa ng mga ghost project at may mga nagtatayo o kumokontak ng non-government organization para masipsip nila ang pondo.
‘Pag nagkabayaran, hanggang sa Palasyo ang bigayan sa pagka-release ng pondo mula sa Department of Budget and Mangement.
OMBUDSMAN AT DOJ
Wala ngang iba na kikilos kundi ang Office of the Ombudsman at Department of Justice sa pag-iimbestiga at pagsasampa ng mga kaso hanggang sa magkaroon ng mga conviction sa mga hukuman, kabilang na ang Korte Suprema at Court of Appeals.
Ito rin ang magpapakilos sa mga pulis, National Bureau of Investigation, militar at iba pa para hanapin, kadenahan at ikulong ang mga salarin sa mga araw at taon ng paglilitis hanggang sa mapunta ang mga ito sa Bilibid.
Kikilos naman kaya sila?
May malaki nga lang na katanungan.
Kikilos ba naman kaya ang Ombudsman at DOJ ayon sa utos ng mga Hukom?
Sabi ng ating Uzi, oo, pero pili lang ang tatargetin ng mga ito.
‘Yun bang— nasa oposisyon. Never sa mga nasa administrasyon.
Kahit sabihin pa nilang wala silang sasantuhin?
Ewan ko lang, mga Bro.
MAGKAKAGULO
Sa paghahanap lang sa mga nalaos nang politiko, gulo na ang aabutin nina Manang Conchita at Leila.
Marami na ang patay sa mga matatandang politiko na nagkaroon ng CDF no-ong panahon nina Madam Cory at Sir Tabako.
Paano mo hahalukayin ang mga nakaw na yaman sa mga puntod ng mga ito at sa mga mansyon, sasakyan, sosyo sa negosyo, lupain, asyenda at iba pa ng mga ito?
Sa galing sa pagtatago ng nakaw na yaman ng marami sa mga ito, buhay man o patay, tiyak na iikot ang mga puwet nina Manang Conchita at Leila.
Mabuti kung susunod din lahat ang mga pulis, militar at NBI sa ipagagawa sa kanila ng dalawang pinagpipitagang taong PNoy?
Paano ang mga papalag?
IMPEACHMENT, KAMATAYAN
Hindi tayo nananakot, mga Bro.
Pero masasalang ang mga impeachable official sa mga kasong impeachment. Mayroon ding magpapatayan. At ang pinakamasama sa patayan ay kung ang mga pulis, NBI at militar mismo ang mahahati-hati at sila ang magpapatayan para sa mga makapangyarihang may hawak sa PDAF, congressional insertion at noo’y CDF.
oOo
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa 09214303333.
The post MAGKAKAGULO SA SUPER BAGYONG PDAF appeared first on Remate.
