NAKAKATABANG isipin na tayong mga Pinoy ay nagkakaisa sa isip at gawa para tulungan ang mga kababayang sinalanta ng bagyong Yolanda.
Pansamantala, dumukdok sa isipan natin ang pakahulugan ng salitang ‘ceasefire’ dahil sa usapin sa PDAF at DAP at ‘unity’ dahil kay Yolanda.
Hindi naubos ang patutsadahan dahil sa magkakasalikwat na opinyon dahil sa pagkakabulgar ng multi-billion pork at DAP anomalies.
Pero dahil sa nangyari sa Visayas, ang bukambibig na kambal na fund scam ay napalitan ng pagkilos at pagkakaisa ng mga Pinoy.
Nagkaisa ang lahat sa kani-kanilang paraan – ang bawa’t isa ay nagpadama ng kabutihan sa mga kapatid nating sinalanta ni Yolanda.
Nakatutuwa at nakatataba ng puso ang ipinakita ng maraming batang Pinoy na nag-donate ng kanilang naipong pera sa mga nasalanta.
Ang ilang mahihirap nating kababayan, ‘di kumain ng isang araw para lamang ma-donate ang pambili ng bigas sa Yolanda victims.
Kinalkal ng maraming kababayan natin ang mga damitan para makapag-donate at may maipadala sa mga brod at sisters natin sa Visayas.
Ang Kapuso, Kapamilya, Kapatid networks ay 24/7 silang nananawagan para tulungan ang mga dinaluyong ni Yolanda.
Ang lahat ay kumilos na ang tanging hangarin ay tumulong sa mga kababayang Pinoy na sinalanta sa iba’t ibang lugar sa Visayas.
Ang mga alkalde ng Metro Manila ay nagkaisa – ang bawat lungsod ay nag-adopt ng mga tinamaang bayan at lungsod.
‘Yan ang isang trait na ipagmamalaki nating mga Pinoy. Nag-aaway-away pero sa oras ng pangangailangan, tayo’y nagtutulungan.
HAMON KAY COL. FIDEL
Tila, wala sa bokabularyo ni Col. Omega Deocares Jireh Fidel ang salitang ‘concerned’ dahil ‘di kumikilos para sawatain ang droga at iligal sa Batangas.
Sa kabila kasi ng kaliwa’t kanang reklamo na ipinaaabot sa kanyang opisina, nananatiling dinededma lang ni colonel ang mga sumbong.
Bakit ba naman kasi si Col. Fidel pa ang napiling PD ni Batangas Gov. Vilma Santos. Sa totoo lang, ‘di ginagawa ng colonel ang kanyang trabaho.
Hamon natin, sir, ipakita mo namang ika’y karapat-dapat kaya na-appoint ka sa iyong puwesto. ‘Yun lang.
The post NAGKAKAISA SA ORAS NG PANGANGAILANGAN appeared first on Remate.