DISYEMBRE 12, 2013 – anim na ektarya na may tanim na buntis na palay ang pinatag ng mga guwardiya ng Great Star.
Isang Mauro dela Cruz na opisyal daw ng TADECO, kompanyang kontrolado ng angkan ng mga Cojuangco-Aquino ang nag-utos.
Sana ay aanihin na ng mga magsasaka ang palay ngayong Disyembre 20!
Ano na ba ang nangyari sa pinal na desisyon ng Korte Suprema para ibalik sa mga magsasaka, ang mga tunay na may-ari ng binuong Hacienda Luisita?
Nasaan na ang kayabangan ni Agrarian Reform Secretary Virgilio delos Reyes na ibibigay na nila ang Hacienda sa mga manggagawa at magsasaka?
Inaangkin ngayon ng TADECO at Luisita Realty Corporation na pag-aari rin ng Cojuangco-Aquino na angkan ni Noynoy ang 880 ektarya. Inutil ba talaga ang DAR? Takot ba sila na ipatupad ang batas? O sadyang sila man ay kumikita rin sa makapangyarihan na angkan?
Naalala ko na noong Dekada ‘70, sa Hacienda Luisita nabuo ang bagong Partido Komunista ng Pilipinas sa ilalim ni Jose Maria Sison o Joma.
Doon din isinilang ang Bagong Hukbong Bayan na pinangunahan ni Bernabe Buscayno o Ka Dante. Nasaan na kayo, mga kasama?
Sa mga nangyayari, mas masahol pa ang rehimeng Aquino sa nagdaang diktadurya ni dating Pangulong Ferdinand Marcos. Kung korapsyon ang usapin, naglabas si Commission on Audit (COA) Chief Grace Pulido-Tan na mas grabe ang korapsyon ngayon kumpara sa nagdaan na tatlong administrasyon!
Nasaan ang civil societies – hindi ang devil societies – at nasaan ang mga tunay na makabayan? Hindi tayo nagsisino ngunit sobra na ang mga nangyayari.
Nakita natin kung gaano kalupit ang paghihiganti ng Cojuangco-Aquino sa pamamagitan ni Noynoy. Nandiyan na patuloy na nakakulong, sa ospital nga, pero sa huling utos, kulang na lang na patayin sa konsumisyon si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo (PGMA).
Nasaksihan din natin ang pagpapatalsik ng iligal kay dating Supreme Court Chief Justice Renato Corona. Siya at si GMA ang tumapos sa pagsasamantala at lubusang pag-angkin ng Hacienda Luisita. At katulad din ng nabulgar na PDAF scam at DAP, wala siyang interes na tuluyan si Janet Lim-Napoles.
Malupit na sistema ang ginagawa ni Noynoy. Para bang, eh, ano kung mangamatay ang mamamayan dahil na rin sa kahirapan at gutom?
Hayan nga ang mga patotoo ng kapabayaan tulad ng mga kalamidad na halos wala rin siyang paki. Sa kanyang pagtungo sa mga lugar, napilitan lang siya bilang isang Pangulo.
Ano ang huling salita niya sa mga humihingi ng tulong at pumupuna sa kanyang mga pagkukulang? “Bahala na sa inyo si Lord, busy ako!” (Sa paglalaro ng play station ba Noynoy?)
The post HACIENDA LUISITA appeared first on Remate.