SANREKWA ang mga krimeng nagaganap sa kasalukuyan sa mahal kong Pinas.
Kabilang dito ang mga krimen na karima-rimarim o “heinous crime” kung tawagin.
Kabilang sa mga heinous crime ang pandarambong o pagnanakaw ng mahigit sa P50 milyong salapi ng bayan, paggawa at pagpapalaganap ng droga na higit sa timbang at iba pang kondisyon na itinatakda ng batas dito, panggagahasa nang may pagpatay, masaker, murder, parricide o pagpatay ng asawa o malapit na kamag-anak sa dugo, maramihang illegal recruitment at human trafficking, pagnanakaw na may pagpatay at iba pa.
Tanong: maituturing bang heinous crime din ang mga pananabotahe sa ekonomiya at monopolyo sa negosyo gaya ng ginagawa ng mga notoryus na smuggler at mapagsamantala o mandaraya sa negosyong langis, kuryente, gamot, superhighway, nagtatago ng bigas sa krisis dito, pangongotong sa ngalan ng batas at katulad na mga gawain?
Kung oo, ano-ano ang mga dapat na gawin sa mga kriminal na sangkot dito at sa iba pang heinous crimes upang mabawasan man lang ang ating lipunan ng mga pabigat sa buhay?
BITAY IBALIK
Walang duda na epektibo ang paggamit ng parusang bitay sa mga kriminal na sangkot sa heinous crimes.
Makaraang mapatunayang nagkasala ang mga sangkot sa mga heinous crime at nabitay ang mga ito, protektado ang mga biktima at iba pang mga mamamayan na tiyak na bibiktimahin ng mga umuulit sa krimen kung niluluwagan o pinalalaya ang mga ito.
Dito madarama ng mga mamamayan ang paglingap sa kanila ng pamahalaan at tiyak na lubos na magtitiwala at tutulong ang mga ito sa pagtiyak ng katatagan ng pamahalaan.
Itutulak din ng ganitong sistema ang mga mamamayan na magkusa sa pagkilala at pagkadena sa mga kriminal na kabilang sa mga ugat sa kaguluhan sa lipunan.
Mapipilitan ding mag-isip habambuhay ang may intensyong gumawa ng nasabing mga krimen at mapipigilan nito ang sarili na pumalaot sa krimen.
MABILIS NA KATARUNGAN
Isa sa mga dapat na tiyakin ng pamahalaan ang mabilis na paggawad ng katarungan sa bisa ng parusang bitay.
Kung nagagawa sa ibang mga bansa gaya ng Iraq, Tsina, Estados Unidos at iba pa na tapusin ang kaso sa loob ng iilang taon lamang gaya ng dalawa o tatlong taon mula sa mababang hukuman hanggang sa Supreme Court, hindi imposible na magagawa rin ito sa mahal kong Pinas.
Kailangan lang talaga ang mahigpit na patakaran upang hindi bababuyin ng mga abogado at akusado ang mga pagluluwag sa kanilang mga tungkulin at karapatan sa batas.
20 TAONG PAGLILITIS
Nasisira ang katarungan sa sobrang bagal ng takbo ng hustisya sa Pinas.
Maraming kaso ang inaabot ng hindi lang siyam-siyam kundi bente-bente.
“Yun bang === umabot na sa 20 taon ang kaso, eh, wala pang pinal na desisyon.
Kung may desisyon man, may naglalakad pa ng reinvestigation.
Palibhasa, nawala na sa mga panahong ito ang mga ebidensya, kabilang na ang mga bumaligtad o napeste ng mga testigo.
Dahil sa tagal ng paglilitis at paggawa ng pinal na desisyon, kasama na ang pagpapatupad ng desisyon, maraming krimen ang hindi nalulutas at nakalalaya ang mga akusado.
Nagbubunga ito ng malungkot na kalagayan, ang “justice delayed is justice denied” at lalong mas malungkot kung ma-acquit ang tunay na kriminal.
WALANG SASANTUHIN
Maganda at makatao ang pagbibigay ng iba’t ibang luwag sa mga akusado at napatutunayang nagkasala.
Dapat lang na gawin ito para sa layuning reporma o pagbibigay ng pagkakataon na magbago ang isang convict.
Pero, dapat na may hangganan ito kung inaabuso na ang karapatan o pribilehiyo sa pagluluwag ng batas.
At isa sa mga inaabuso na karapatan o pribilehiyo ang pagpapatawad ng Pangulo ng bansa o pagbibigay kaya ng mga awtoridad ng parole makaraang mapagsilbihan ng isang akusado ang minimum nitong parusang pagkakakulong, kahit pa sa heinous crimes.
Sa gitna ng pang-aabuso, walang dapat sinasanto ng kung sinomang Pilato o Herodes sa pamahalaan.
Dapat nitong ipatupad ang batas.
MANDARAMBONG
Ang isa sa mga nais na makita ng mga mamamayan ang pagkanti ng pamahalaan sa mga mandarambong nang walang paboritismo at pagkiling.
Dapat na walang sinasanto ito at dapat na tumagos ang katarungan sa lahat.
Kung pananatilihin ng pamahalaan ang pagpapadapa sa mga kaaway lamang na mga may hawak sa poder sa pulitika gaya ng nagaganap, walang mangyayari kundi ang paglaya at pagpipiyesta ng maraming kriminal na dapat ay magdusa sa paggawa ng nasabing krimen laban sa buong bayan.
Dapat na ring liitan ang halaga ng ninanakaw ng mga ito upang hindi nila magamit ang salaping bayan para paikutin ang pamahalaan at batas laban sa katarugan at interes ng mamamayan.
At upang ganap na matigil ang krimeng ito, dapat na isalang sa parusang bitay ang mga sangkot dito.
MONOPOLISTA
Malawak na krisis hindi lang sa ekonomiya kundi sa buhay ng mga mamamayan ang ibinubunga ng monopolyo sa negosyo gaya ng nagaganap sa langis, kuryente, tubig, superhighway at iba pang malalaking negosyo.
May mga napipilitang magnakaw o mangholdap na may kasamang pagpatay ang mga nagigipit dahil sa kagagawan ng mga monopolista.
Kabilang sa mga nagigipit ang mga nawawalan ng trabaho o pagkakakitaan sa pagsasara ng mga negosyong hindi kayang mag-survive sa kagagawan ng mga monopolista.
Marami na ang nasasangkot na mga obrero, driver, magsasaka at mangingisda sa mga heinous crime dahil sa pagsasamantala o pandaraya ng mga monopolistang ito.
Kaya nga magandang masampulan, kundi man maubos, ang mga monopolista upang gumaan-gaan naman ang buhay ng ating lipunan at mapigilan ang mga krimen na bunga ng gawa ng una.
SMUGGLER AT KOTONGISTA
Nagkakandahirap-hirap ang buong bayan dahil sa mga smuggler at kasabwat ng mga ito sa pamahalaan.
Batay sa obserbasyon ng mga nagmamalasakit sa pamahalaan na taga-Bureau of Customs, kalahati ng koleksyong taripa o buwis sa import-export ng pamahalaan ang tumatagas o nawawala dahil sa smuggling.
Milyong driver at may-ari ng mga sasakyan naman ang hirap na hirap sa kamay ng mga kotongista na pulis, traffic enforcer at bossing ng mga ito.
May mga namamatay sa gutom o nagpapatayan dahil sa hirap sa buhay.
Ihalo pa rito ang mga pabigat na gawa ng mga mandaramong at monopolista at makikita natin ang sobrang kagipitan ng milyon-milyong mamamayan.
Dapat na isama rin sa parusang bitay ang mga smuggler at mga kotongista na gumagamit ng kapangyarihan ng pamahalaan sa pambibiktima sa mga mamamayan.
The post PARUSANG BITAY IBALIK AT MABILIS NA KATARUNGAN appeared first on Remate.
