ANG dami ng mga namamalimos sa mga lansangan.
Kahit saan, kahit anong oras, makikita mo sila na humihiling ng kahit barya.
Ano na ang nangyari sa Matuwid na Daan?
Akala ko ba’y mayaman na tayo?
Dahil sa tabinging laban sa korapsyon.
Hindi totoo na kung wala nang korap, wala nang mahirap.
Dahil sa ang tunay na totoo, laganap pa rin ang korapsyon at lalong laganap ang kahirapan.
Kung hindi, bakit sangkatutak ang namamalimos sa mga lansangan?
At ang mga makakapal ang mukha naman ay sa mga bahay pa ng mga mamamayan namamalimos.
MGA BADJAO
Dumami ang mga kapatid nating Badjao mula sa Mindanao makaraan ang giyera sa Zamboanga City.
Marami umano sa mga ito ang nawalan ng pagkakakitaan makaraang masira ang malaking bahagi ng lungsod nang pagsusunugin ito dahil sa giyera.
At kumalat ang mga Badjao hindi lang sa ibang bahagi ng Kabisayaan kundi sa Metro Manila at nakapaligid nitong mga lalawigan.
Ano ba ang gagawin sa problemang ito, kayo riyan sa Department of Labor at Social Welfare and Development?
SILA PA RIN
‘Di ba daan-daang libong pamilya sa Mega Manila ang walang sariling mga tahanan at permanenteng trabaho o pinagkakakitaan?
Kung tawagin ang mga ito ng iba ay “informal settlers” o iskwater.
Sa halip na lumiit ang bilang ng mga ito, tila lumalaki pa nang lumalaki.
Kung hindi, bakit kahit saan ay ang daming namamalimos sa mga lansangan na kinabibilangan ng mga ito?
Halos lahat ng mga sasakyan na natatrapik ay kinakatok nila, sabay silip sa loob ng mga sasakyan.
At hindi umaalis ang mga ito, hangga’t hindi tatakbo ang mga sasakyan sa signal na “go” ng mga traffic light.
PASLIT GINAGAMIT
Ang nakasasama ng loob ay ang pagdadala sa mga 1, 2, 3 taon na bata na karga-karga ng mga maliliit ding bata para mamalimos.
Anak ng tokwa, walang kaalam-alam ang mga ito sa takbo ng mga sasakyan.
Paano kung masagasaan ang mga ito?
Madadamay maging ang mga inosenteng may hawak ng mga sasakyan.
Kapag nasagasaan ang mga ito na lumalakad sa mga pagitan ng mga sasakyan, nakapanggigigil na isiping madedemanda, makukulong at magbabayad ang mga may sasakyan at drayber ng mga ito.
Ano-ano na ang ginagawa ng pamahalaan dito?
Eh, sa harapan mismo ng mga pulis, barangay official, at traffic enforcer nagaganap ang lahat ng ito.
BAWAL MAMALIMOS
Bawal mamalimos at lalong bawal mamasko ang mga taga-pamahalaan.
‘Yan ang kautusan sa lahat ng mga opisyal at empleyado ng pamahalaan.
Sabi, mahigpit na tagubilin ito sa lahat ng mga nasa pamahalaan.
Pero sino-sino ang mga sumusunod dito?
SA AIRPORTS
Sa mga paliparan ng bansa, lokal at internasyunal, malinaw ang pagbabawal sa panlilimos at pamamasko.
Marami naman ang mga sumusunod.
Pero marami rin ang mga suwail.
Kung bawal man ang mga salitang “palimos po” o Merry Christmas bilang pagbati, dinaraan sa ibang paraan ang pamamalimos at pamamasko.
LASLAS MALETA
Isa sa mga nagaganap ang panlalaslas sa mga maleta at bagahe ng mga pasahero o padala bilang kapalit ng panlilimos at pamamasko.
Anak ng pitong putakte, grabe ngayon ang mga sumbong ukol dito…mula sa mga overseas Filipino worker hanggang sa mga negosyante.
Nagtataka ang mga pasahero at tagakuha ng mga padala kung bakit wala ang mga laman ng mga maleta at bagahe makaraang dumaan ang mga ito sa mga conveyor.
Kahit mga deklarado sa customs sa pinanggalingang mga bansa ang mga laman ng mga maleta at bagahe, tinitira nila.
TURUAN
Nagiging walang katapusan ang gawaing ito, mga Bro, sa dahilang napakahirap ang pagsundot kung sino-sino ang mga may sala.
Grabe kasi ang turuan.
Sabi ng mga nasa airport natin, baka sa ibang bansa pa nangyari ang laslasan at nakawan.
Sabi naman ng iba, sa mahal kong Pinas nagaganap ang mga pagnanakaw dahil itinuturing ngang matindi ang korapsyon sa atin.
Nawawalan tuloy ng gana na maghabol ang mga dumarating sa ating bansa.
At ito ang dahilan kung bakit patuloy na binababoy ng mga taga-airport ang mga maleta at padala mula sa ibang mga bansa.
PULIS TRAPIK AT TRAFFIC ENFORCER
Balik tayo, mga Bro, sa mga lansangan.
Sa parte ng mga pampasaherong sasakyan, mine-memorize ng mga pulis trapik at traffic enforcer ang mga may-ari ng mga ito.
Doble talim ang puwersahang pamamalimos at pamamasko ang ginagawa ng mga ito.
Sa mga lansangan, animo’y laging Pasko ang tingin nila. Huli rito, huli roon ang ginagawa ng mga ito sa mga driver.
Ang dahilan, hinahabol nila ang quota na minamando sa kanila ng mga korap nilang mga opisyal.
At sumusunod ang nakararami sa ligal na pangongotong dahil mayroon naman silang porsyento rito.
‘Yung may mga makakapal ang mukha, pumupunta sila sa mga may-ari ng mga sasakyan upang mamalimos o mamasko o mangotong, in short.
Nasa isipan nila ang pananakot at pagbuwelta sa lansangan sa mga ito kung hindi bumigay ang mga operator.
Lord, patawad!
oOo
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333.
The post PATI PULIS, TRAFFIC ENFORCER NAMAMALIMOS NGAYON appeared first on Remate.

