MUKHANG wala nang atrasan ang paglaban ni Senador Alan Cayetano sa mas mataas na pwesto ng bansa sa halalang 2016.
Ito ang halatang-halata sa kilos ng asawa ni Mayor Lani dahil kung pagbabasehan natin ang kanyang ginagawa at diskarte ay talaga namang sa 2016 na nakatuon.
Malinaw na ang ginawa niyang panunumpa sa Cebu ay isa nang indikasyon ng panimula at pagpapapansin sa 2016 at ito ay nasundan pa ng pagkuha niya ng pwesto sa Senado bilang majority floor leader.
Maging ang labanan sa pangulo ng Liga ng mga Barangay sa Pilipinas ay mukhang pinapasukan na rin ni Mang Alan dahil naghain ng kandidatura sa pagkapangulo ang pinuno ng barangayan sa Taguig na si Yasser Pangandaman.
Talos natin ang diskarteng ito ni Cayetano dahil mas epektibo ang
pag-dive nito sa grassroot leadership at iyan nga ang barangayan.
Kapag nakuha ng Taguig sa katauhan ni Pangandaman ang Liga ng mga Barangay ng bansa ay magiging pinuno ito ng 42,000 barangay sa buong Pilipinas.
Bentahe itong napakalaki kay Mang Alan dahil makadadaupang palad niya mismo ang mga lider barangay sa buong bansa.
Mas madali kasing kausapin ang mga lider ng barangay sa kahit sinomang politiko sa bansa dahil hindi trapo ang mga ito katulad ng gobernador, mayor at iba pang matataas na opisyal ng gobyerno.
Diyan subok si Alan Cayetano dahil isa itong produkto ng isang angkang politiko na magaling sa laro ng pulitika dahil isa sila sa iilang angkan sa bansa na nagagawang lumaro sa magkabilang partido.
Noong panahon ni Erap ay kakampi si Mang Alan ni Estrada habang ang kanyang yumaong ama na si Senador Rene Cayetano ay nasa partido nina Gloria Macapagal-Arroyo at Fidel Ramos.
Isip-isip din ‘pag may time, mga ‘igan.
The post CAYETANO, nakatingin sa halalang 2016 appeared first on Remate.