TOTOONG si Bayani Fernando ang nagpaganda at nagsaayos ng Marikina. Ngunit ‘di niya magagawa iyon kung walang tulong ng iba pang halal na opisyal ng lungsod at ng mga department head nito.
Kahit nga ang mga ordinaryong kawani ay nakaambag din sa ikinaunlad ng Marikina.
Kaya nga bilang Public Information Officer (PIO) ng Marikina, minarapat ko na bigyang pansin ang kontribusyon ng bawat isang nakatulong sa kung ano ang Marikina ngayon.
Nabigyan ako ng pagkakataon nang umiral ang mataas na “anti-EPAL sentiment” nitong mga nakaraang taon. Ito ay dulot ng teknolohiya kung saan nagsama-sama ang smartphones na may camera, ang social media (Facebook, Twitter), at ang bilis ng pag-upload ng mga litratong kuha ng ordinaryong mamamayan ng billboards, streamers, sasakyan, bags, atbp. na may litrato o pangalan ng mga politiko.
Ayon sa mga kasama kong PIO sa Association of Information Officers in Metro Manila (AIMM), dati ay panay sa mayor lamang naka-focus ang lahat ng promotional materials ng kani-kanilang bayan.
‘Yun kasi ang kalakaran. ‘Yun ang nakasanayan.
Ngunit ang mandato ng PIO ay para i-promote ang buong LGU. Maliban sa mayor, kasama rito ang iba pang opisyales.
Masuwerte ako dahil kakaiba ang aking mayor na si Del R. de Guzman. Palibhasa, ramdam n’ya ang pulso ng mga mamamayan, ‘di na n’ya kinontra ang anti-EPAL sentiment.
Una ang Marikina sa mga tumupad sa instruction ni DILG Sec. Jesse Robredo tungkol dito.
Mapalad ako dahil pasok ito sa nakalagay sa aking work program mula noong bumalik ako bilang PIO ng Marikina noong 2010 – na hindi lang kay mayor nakatuon ang resources ng PIO at bibigyang exposure ang iba pang opisyal ng pamahalaang lokal.
Kaya’t itong nakaraang Pasko ay ginamit namin ang mga hepe na frontliners kapag Pasko sa aming mga billboard upang magbigay ng mga paalala na may kinalaman sa kanilang mga ahensya. Para naman hindi na ‘yung parati na lang na “Merry Christmas and Happy New Year.” Consistent ito sa aming “Serbisyo 24” program.
Napapanahon na rin na makilala naman ng mga Marikenyo ang mga taong malaki rin ang nai-contribute sa aming bayan.
Huwag na nating hintayin na magretiro pa ang mga ito bago natin sila parangalan kahit sa munting paraan man lang.
The post GIVING CREDIT WHERE IT IS DUE appeared first on Remate.