NITONG mga huling araw ay naging tampulan ng biro at kantiyaw si Interior Secretary Mar Roxas matapos siyang tawaging Boy Pick-up ni Sen. Bong Revilla sa kanyang privilege speech sa Senado kamakailan.
Ibinuking kasi ni Bong na nagmistulang driver niya si Roxas nang sunduin siya nito para dalhin sa Palasyo at iharap kay Pangulong Noynoy, ilang araw bago magpasya ang senator-judges sa impeachment trial ni dating Chief Justice Renato C. Corona.
Sa nasabing paghaharap ay ibinisto niya na pinakiusapan siya nina Noynoy at Mar na bumoto para sa conviction ni Corona, at ang mga sumunod na pangyayari sabi nga sa Ingles ay, the rest is history.
Pero hindi ang nangyari kina Bong, Mar at Noynoy ang paksa ng aking kolum ngayon.
Dahil kasi sa pangyayari ay naging palasak ang binyag na Boy depende sa ugali, trabaho at itsura ng isang tao. Kaya tuloy biglang nagsulputan ang mga pangalang Boy Sulsol para sa mga mahilig magsipsip sa mga bossing nila.
Lumutang din si Boy Asa na kantiyaw sa mga talunang politikong hanggang ngayon ay umaasa na mabibigyan ng puwesto ni Noynoy sa gobyerno at marami pang iba tulad ng Boy Akyat na kantiyaw naman sa kaibigan kong si Nats Taboy.
Alam na ni Pareng Nats kung bakit tinawag siyang Boy Akyat. He-he! At sa media circle nga ay tampulan din ngayon ng kantiyaw ang isang broadcaster na kilala sa tawag na Boy Batikos.
Feeling magaling kasi itong si Boy Batikos at tila wala siyang nakitang mabuting ginagawa ng mga taong hindi niya kakampi at malamang sa hindi ay wala sa payroll niya. Kawawa ang mga taga-gobyerno sa kanya mula kay Pangulong Noynoy at ang mga pinuno ng mga ahensiya na hindi niya kaibigan dahil ginagawa niya silang pulutan sa programa niya araw-araw.
Wala itong patumangga kung bumatikos at kahit nakapagpaliwanag naman nang maayos ang mga pinuno ng mga ahensiya na binibira niya ay hindi pa rin niya ito iniintindi. Dahil sa tindi ng mga atake ni Boy Batikos ay aakalain mo talaga na wala nang iba pang magaling dito sa Pinas kundi siya lang.
Akala mo ay santo itong si Boy Batikos dahil madalas siyang magbanggit ng mga patungkol sa Diyos at kabanalan, pero sa totoo lang ay wala naman ito sa kanyang puso. Halatang-halata kung ano ang intensyon niya at para kanino siya nagtatrabaho pero mukhang ang mga bossing na lang niya sa kanilang network ang ‘di nakahahalata.
Tatalupan natin ng maskara si Boy Batikos sa susunod.
The post SI BOY BATIKOS appeared first on Remate.