GAANO ba kahalaga ang mga overseas Filiino worker sa pamahalaan?
Paano nito itinuturing ang kontribusyon ng mga OFW sa ekonomiya ng bansa na nagkakahalaga ng mahigit sa $23 bilyon taon-taon o halos P1 trilyon na halos kalahati ng pambansang badyet nito?
Paano nito pinahahalagahan ang nasabing kontribusyon na siyang bumubuhay sa ekonomiya ng bansa, lalo na sa oras ng pambansang krisis at krisis ng gobyerno sa kakapusan nito ng salapi sa dolyar at piso?
Ilan lamang ito, mga Bro, sa ating mga katanungan dahil sa lumalabas na kapabayaan ng pamahalaan sa mga OFW.
MGA OFW SA MALAYSIA
Nakalulungkot marinig ang anunsyo ng pamahalaan na wala itong natatanggap o nakakalap na opisyal na ulat mula sa Malaysia ukol sa crackdown sa mga OFW.
Sa crackdown, mga Bro, pinalalayas ang mga OFW at ibinibilanggo muna ang mga ito pagkahuli.
May kasama pang pananakit o pang-aabuso umano sa mga OFW ng mga pulis at jailguard.
Higit na masakit, tiyak nang alam ng pamahalaan ang anunsyo ng crackdown pero lumalabas na hindi ito kumilos upang maagapan ang mga masasamang pangyayari rito.
Ano-ano ang mga dahilan at lagi na lang ganito ang pamahalaan ukol sa kinahaharap ng mga OFW na krisis?
KRISIS SA SAUDIZATION
Ganito rin ang naganap sa programang Saudization sa Saudi Arabia.
Ayon sa Saudi Arabia, umaabot na sa kalahating milyong dayuhan ang napalayas nila sa ilalim ng Saudization.
Kabilang sa mga dayuhan ang mga OFW na matagal nang gustong palayasin ng mga Arabo upang magkaroon naman umano ng trabaho ang kanilang mga kababayan.
Gaano ba karami ang mga napalayas at hindi naasikaso ng pamahalaan na OFW?
Ayon sa mga organisasyon na sumusubaybay sa Saudization gaya ng Migrante International, tinatayang nasa 300,000 OFW ang apektado.
Nang magsimula na ang Saudization at nagkaroon na ng mga hulihan at pagkukulong, saka lang nataranta ang pamahalaan para tumulong sa mga OFW.
Naging bingi ito sa panawagan ng marami noon na tulungan silang makauwi o maiayos ang kanilang mga papeles at hinayaan lang nila na matulog at tumira sa tent ang mga OFW malapit sa ba-kuran ng Philippine Embassy.
Sabi, okey na ang kalagayan ng nakararami sa mga OFW roon.
Pero ilan ba ang natulungan ng pamahalaan na lumaya sa mga kulungan, mapauwi ang mga ito sa Pinas o maipasok sa ibang mga ban-sa para sa bagong trabaho?
Anak ng tokwa, wala rin tayong gaanong balita ukol dito.
PURO KABIG WALANG SERBISYO
Lumalabas tuloy na ‘yang kumabig lang ang pangunahing pinagkakaabalahan ng pamahalaan mula sa mga OFW.
Hindi pa sila nakalalabas ng bansa, pinagbabayad na ang mga ito ng kung ilang dolyar.
Totoo na nakatulong din ang pamahalaan sa pagtataas ng sahod ng mga OFW, halimbawa sa Saudi na dating nasa $150 kada buwan lang ang sahod ngunit naging $400 na.
Pero hindi ito sapat dahil sa totoo lang, ikinikuwento ng mga pumupunta sa Saudi na hindi naman sinusunod ito ng mga employer sa Saudi.
Hindi na lang nagrereklamo ang mga OFW dahil wala naman silang mapasu-kan sa Pinas na matinong trabaho at sahod.
Kaya sila nag-a-abroad dahil puro gutom, kawalan ng trabaho at kontraktuwalisasyon ang ikinabubuhay nila sa mahal kong Pinas.
BALIK SA MALAYSIA
Sabi ng gobyerno, nagdagdag na sila ng mga diplomat o mga opisyal ng pamahalaan na makipag-ugnayan sa mga awtoridad sa Malaysia para sa proteksyon ng mga OFW. Okey naman ito.
Kaya lang, napakasakit isipin na laging huli sa aksyon ang ating pamahalaan sa pagbibigay-proteksyon sa mga OFW sa oras ng pa-ngangailangan.
Paano ngayon aayusin ng pamahalaan ang nagulong buhay ng mga OFW sa Malaysia?
Sapat na bang salubungin ang mga ito sa dagat, bigyan ng kaunting noodles bilang pagkain at pagpapakita ng iba pang consuelo de bobo?
PATI SABAH
Isa pang masakit, maging sa Sabah na napakaraming Filipino at OFW ay nagaganap ang malaking bahagi ng crackdown.
Masakit isipin ito dahil sa paniniwalang atin ang isla ng Sabah subalit pinababayaan ng pamahalaan na angkinin ito ng Malaysia sa mga kuwestyunableng dahilan.
At pinababayaan ding pahirapan ng mga Malaysiano ang mga OFW o Filipino riyan.
RIDING-IN-TANDEM
Talaga namang gamit na gamit ng mga kriminal ang motorsiklo sa pagsasagawa ng kanilang mga krimen.
Ramdam na ramdam natin ang krimen na ito sapagkat halos riding-in-tandem ang lahat ng mga suspek sa pamamaslang sa 26 mediamen na pinatay sa ilalim ng kasalukuyang pamahalaan.
Bukod pa sa halos araw-araw na dumarating sa atin na riding-in-tandem din ang kumakana sa iba pang mga biktima ng patayan at panghoholdap.
AKSYON NG PULIS
Nasaan ang aksyon ng pulisya laban sa mga kriminal na ito?
Bagama’t palpak ang aksyon ng pulisya rito, umaasa pa rin tayo na kikilos din sila nang tama sa mga usaping ito.
Kahit pa laban sa kanilang mga kabaro na kasali sa mga krimen.
oOo
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa 09214303333.
The post OFWS SA MALAYSIA AT RIDING-IN-TANDEM appeared first on Remate.