MATINDI na naman ang mga krimen. Lumalala ang mga insidente ng karumal-dumal na mga pagpatay. Paulit-ulit na lang. Araw-araw na lang halos nasa balita ang mga karumal-dumal na krimen.
Ilang beses na nating napag-usapan ang mga maaaring dahilan at mga maaaring solusyon. Pero hindi halos natitigil ang krimen, parang lumalala pa, parang mas nagiging halang ang bituka ng mga kriminal.
Kaya maiintindihan natin kung bakit nauungkat na naman ang usapin ng pagbabalik sa death penalty. Natural na sa ginagawang kampanya ng mga nagsusulong na ibalik ang death penalty ay parang pinalalabas na ito ang magiging solusyon para masugpo ang kriminalidad sa bansa. Pero duda ang marami kung mapatutunayan nga na ang death penalty ang sagot sa laganap na krimen sa bansa.
Natatandaan ko sa mahabang debate sa pag-alis ng death penalty noon, may lumabas na pag-aaral na nagsilbing ebidensya na hindi raw naman mapipigil ng death penalty ang krimen. May mga datos na ipinakita noon na nagpapatunay na hindi naman bumaba ang kaso ng krimen sa isang bansa dahil lang nagkaroon ng death penalty at hindi rin daw mapatutunayan na mataas ang kriminalidad sa isang bansa na walang death penalty kung ikukumpara sa mga bansa na may polisiya ukol dito.
Pero ngayon ay umiinit na naman ang usapan. Dahil sa sunod-sunod na patayan, sa sunod-sunod na kaso ng rape, sa mga nakawan kung saan nilooban na ay pinatay pa ang biktima. Hindi ako magtataka kung iakyat na naman ang debate sa Kongreso.
Maaalalang ang Pilipinas ang kauna-unahang bansa sa Asya na nagtanggal sa death penalty noong 1987, sa panahon ni Pangulong Cory Aquino. Bumalik ito sa panahon ni Pangulong Fidel Ramos dahil tulad ngayon ay tumaas din ang kaso ng mga krimen noong mga panahong iyon lalo ang kidnapping ng mga mayayamang Chinese sa bansa. Umiiral din ang death penalty noong panahon ni Pangulong Joseph Estrada at muli na namang tinanggal, o na-abolish, sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Ang sabi ng mga pabor na mabalik ang death penalty, mas matatakot daw ang mga kriminal na gumawa ng krimen at mas angkop daw ang kaparusahang kamatayan sa isang karumal-dumal na krimen.
Pero sabi ng mga hindi pabor, hindi mapatutunayan na matatakot ang mga halang ang kaluluwa na gumawa ng krimen dahil sa death penalty. Malalim daw ang ugat ng kriminalidad sa ating bansa. Nandiyan ang nagkalat na mga bawal na baril, ang korapsyon sa mga ahensya ng gobyerno na naatasan na sugpuin ang mga krimen, ang kahirapan at ang kawalang pag-asa ng maraming Filipino.
Ano sa palagay ninyo? Tama ba na ibalik ang death penalty? Kailangan ba natin ito ngayon? Pag-isipan nating mabuti ito.
The post KAMATAYAN BA ANG SAGOT? appeared first on Remate.

