DALAWA hanggang tatlong taon ang uubusin ng pamahalaan para magawa ang iba’t ibang kalsada sa Malaking bahagi ng Metro Manila. Isa lamang ang Skyway 3 na magmumula sa Makati City hanggang sa Quezon City at Caloocan City sa mga proyekto na gagawin sa loob ng nasabing panahon.
Dahil sa mga pagawaing bayang ito na nagsimula na kahapon, inaasahang magkakaroon ng katakot-takot na trapik ng mga sasakyan at tao sa mga lansangang gagawin. Tiyak na maaapektuhan din ang mga nakapaligid na lugar.
‘Yun bang magkakatrapik-trapik din.
MGA REMEDYO
Marami ang naiisip ng pamahalaan para maibsan ang trapik. Isa na rito ang ukol sa eskwelahan, pagkontrol sa mga pribadong sasakyan at pagpapakalat ng sapat na bilang ng mga traffic enforcer at pulis.
Umaasa ang pamahalaan na makikipagtulungan nang lubos ang mga mamamayan dito kaya posibleng gagawa at gagawa ang huli na gumawa ng diskarte laban sa trapik.
PASOK NA 4 NA ARAW
Pumayag na ang Commission on Higher Education (CHED) na pairalin ang apat na araw na pasok sa mga kolehiyo. Pero marami sa mga pribadong eskwela ang hindi pumapayag o nag-iisip pa lamang. Kasama na rin ang mga high school, elementarya at pre-school.
Sabi ng mga pribadong eskwela, paano nila pupunuan ang mga walang pasok kung may mga bagyo at iba pang anyo ng kalamidad? Eh, may takdang panahon para sa kumpletong pag-aaral na itinatakda ng Department of Education (DepEd) at CHED.
HINDI HANDA
Pero ang madaling makita sa problema ay hindi ganoon kahanda ang mga eskwela para pairalin ang 4 araw na pasok. Mukhang hindi nabigyan ng sapat na panahon ang mga eskwela para maghanda ang mga ito ng programa bilang tugon sa pagbaha.
Lumalabas na nagkabiglaan ang lahat. Sa sobrang bilis na magdesisyon ang gobyerno sa pagpapatakbo ng mga proyekto, hindi ganoon kadali ang paghahanda nito para sa kaukulang tugon ng mga eskwela.
KABOBOHAN
Parang nahaharap sa kabobohan ang mga mag-aaral na maaapektuhan ng mga proyekto.
Paano ka hindi magiging bobo kung hanggang apat na araw lang ang iyong gugugulin para sa pag-aaral?
Kung noon nga lamang na wala ang problema, eh, nangungulelat tayo sa ranggo sa mga eskwela sa ibang mga bansa, hindi kaya magpapatuloy o lalala pa ang kalagayan ng ating mga mag-aaral?
NO GREEN DAY
Isa sa mga pagkontrol sa trapik ang pagbabawal ng mga pribadong sasakyan sa isang araw sa EDSA o sa posibleng Metro Manila.
Bukod pa ito sa number coding na pinaiiral sa buong Metro Manila maliban lang sa mga araw ng Sabado at Linggo, MMDA Chair Francis Tolentino?
Pupuwede ito.
Kaya lang, dapat na malaman ninyo, chairman, na walang inio-offer ang pamahalaan na kapalit dito.
“Yun bang ginagamit ang mga pribadong sasakyan para maiwasan ang mga trapik na nagaganap kung saan-saan.
Hindi pupuwede ito sa mga pampublikong sasakyan na basta na lang hinuhuli ng mga makakapal ang mukha na pulis at traffic enforcer kung lumihis lang ang mga ito sa labas ng kanilang linya na nakatakda sa kanilang prangkisa.
Grabe rin, mga Bro, ang nagaganap sa LRT at MRT.
Sumakay ka sa mga rush hour at katakot na hirap ang iyong aabutin. Lalo na kung may mga bagahe ka, o maysakit o buntis o senior citizen.
TRAFFIC POLICE AT ENFORCER
Malinaw na nakatutulong nang husto ang mga traffic police at enforcer.
‘Yan ay kung tunay nilang ginagampanan ang kanilang mga tungkulin na magsaayos ng trapiko.
Pero paano kung mas gusto ng mga tarantadong ito ang nasa mga gilid-gilid o madidilim na bahagi para manghuli sa mga pinagbibintangan nilang lumalabag sa mga batas-trapiko. Pero ang talagang nasa utak ng mga ito ay magkaroon ng komisyon sa kanilang mga panghuhuli na may quota pa!
Alalahanin na halos pera-pera na lang ang nasa utak ng mga nasa itaas at ang pagkuha ng quota, hindi ang pagsasaayos ng trapiko, ang tagubilin ng mga ito sa kanilang mga tauhan.
ILANG MUNGKAHI
Para mabawasan talaga ang trapik, mga Bro, sa Metro Manila, pupuwedeng mag-transfer ang maraming estudyante sa kani-kanilang mga lalawigan mula sa mga pinapasukan nilang eskwela sa Kamaynilaan. Kahit ang mga nakapalaot na sa kanilang pag-aaral.
Ang nangyayari kasi, mga Bro, kapag nag-transfer ang isang estudyante, karaniwang pinababalik ang mga ito sa first year kahit third year na ang mga ito sa mga eskwela sa Metro Manila.
Paano tutulungan ng pamahalaan ang mga estudyante na pupuwedeng mag-transfer?
Kung matitiyak naman ng pamahalaan ang kaligtasan ng mga mamamayan mula sa mga holdaper, kidnapper for ransom at iba pang mga masasamang loob at maayos na pampublikong sasakyan, marahil ay matututunan ng maraming mamamayan ang mag-public ride na lamang sa halip na gagamit lagi ng pribadong sasakyan.
At ang mga traffic enforcer at police, sana naman, ‘yang hindi mangotong sa ligal at iligal na paraan ang unang aatupagin ng mga ito kundi ang gumitna sa mga kalsada upang gabayan ang mga motorista at mamamayan.
oOo
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333.
The post KABOBOHAN, KOTONG, KRIMINAL AT SKYWAY 3 appeared first on Remate.
