KAMAKAILAN lang ay nagpasya ang mayorya ng mga Mahistrado ng Korte Suprema (SC) na kumatig sa implementasyon ng Cyber Crime Law. Ang batas ng Cyber Crime ay ginawa lamang sa loob ng maikling panahon bilang kalasag ng mga mambabatas laban sa mga ordinaryong mamamayan na tutol sa mga pagkakamali ng taga Kongreso.
Kumpara sa mas mahalaga at makatuturan na panukalang batas, ang Freedom of Information Bill (FOI) ay pinatulog dahil kapag naisabatas ito, silang mga pulitiko’t opisyal ng bansa kasi ang unang magigisa at tatamaan ng delubyo.
Nakapanghihinayang tuloy ang bunga ng 1986 People’s Power EDSA Revolution. Ginawa ito ng taumbayan para wakasan ang diktadurya na kumitil sa ating demokrasya. Nagbunyi ang mga Filipino sa loob at labas ng bansa. Kinopya nang maraming bansa ang EDSA PEOPLE POWER at sila man ay nagtagumpay din.
Sa panahon ngayon ng ating demokratikong kalagayan, unti-unti na itong nawawala at mawawala pa. Unti-unti ay nilalagyan muli tayo ng tanikala ng pagka-alipin at pagsasamantala. Iyan ang dala ng Cyber Crime Law!
Nawala na din ang init ng pagpapasya at pagtutol ng lantad sa mga kalsada. Hindi na mauulit pa ang mga rali at pagkilos sa Plaza Miranda, lalo na sa EDSA na bagong mukha ng KALAYAAN. Takot ba o tamad na ang mga tao?
Inugit ang Cyber Crime Law ng ilan lang na mambabatas na apektado ng pagpuna ng mga mulat na mamamayan. Hindi katulad noon, ang mga mulat na masa ay deretso sa kalsada para magprotesta pero hindi na makahatak ng bilang kaya idinaan sa teknolohiya ng Internet, sa social sites tulad ng FACEBOOK at TWITTER.
Ang mga kasong gawa ng mga pultiko’t opisyal ng bayan katulad ng pangongopya, katiwalian, abuso, korapsyon, pagnanakaw, pork barrel scam, DAP at marami ba ay matalinong tinatalakay sa Facebook at Twitter. Sila ang mga netizens na inilalabas ang kanilang kumukulong damdamin para mapigil ang kasamaan.
At ngayon na tinanggal na ang balakid ng Cyber Crime Law, malaya na ang mga pesteng pulitiko at opisyal ng bansa na gantihan ang sinuman na bumatikos sa kanilang kasingdumi ng burak na mga gawain. Sa batas na iyan, kaya nilang ipakulong ang sinuman na kontra sa kanilang katiwalian.
Sa mukha ng Cyber Crime Law, masahol pa ito sa Martial Law! Sa rehimen pa man din ngayon ito ni Pangulong Benigno Aquino III na ang pamilya niya ay pangunahing biktima ng malupit na batas militar noon.
Anong dugo mayroon ka G. Aquino? Mas malupit ka pa sa pinatalsik ng diktador! –30—
The post MASAHOL PA SA MARTIAL LAW ANG CYBER CRIME LAW! appeared first on Remate.