PARANG magmamatigasan ang magkabilang panig sa isyu ng truck ban na ordinansa ni Mayor Erap Estrada ng Maynila kung saan ipinagbabawal na ang malalaking truck sa mga kalye ng lungsod mula alas-otso ng umaga hanggang alas-singko ng hapon.
Matigas ang ordinansang ito, talagang bawal ang truck sa mga oras na nabanggit. Nag-aaklas tuloy ang mga truckers, siyempre na may basbas ng kanilang mga amo na may-ari ng mga trucks at malalaking mga negosyante.
Pero napakaluwag naman talaga ng mga kalsada dahil sa ordinansa. Ginhawa sa mga motorista. Pero nagbanta ang business community, milyun-milyong piso raw ang nawawala sa negosyo dahil hindi na malaya na makapag-deliver ang mga higanteng trak ng kanilang kalakal. Pagsabotahe raw sa ekonomiya ng bansa ang ordinansa at babagsak daw ang industriya ng kalakal dahil dito. Ilang araw nang laman ng mga balita ang Maynila dahil sa issue at sikat na sikat na ang mga taong involved dito dahil walang tigil ang debate sa isyu.
Mahalaga ang isyung ito dahil saan nga ba tayo papaling. Maganda na walang traffic pero totoo ba na lugi ang mga negosyante at makakaapekto ang truck ban sa ekonomiya ng Pilipinas?
Marami ang naniniwala na may solusyon dito, hindi porke at ginusto ng mga tao ang maayos na daloy ng traffic ay nasasabotahe na ang mga negosyante. Matindi rin naman ang epekto sa ekonomiya at sa personal na kalusugan ng mga tao ng buhul-buhol na traffic araw-araw. Marami ang naniniwala na kailangan lang talaga gawing maayos ang mga kalsada para hindi agrabyado ang lahat, ang mga ordinaryong mamamayan na gumagamit ng kalsada at maging mga negosyante na masigasig sa kanilang kalakal gamit ang mga kalsada rin.
Mahirap talaga baguhin ang isang bagay na nakasanayan na. Sakripisyo ito para sa lahat. Napakabuti naman talaga kung ang mga kalsada ay maayos ang daloy. Kung hindi ang truck ban ang sagot, may iba.Kailangan lang hanapin at ipatupad ang tamang solusyon. Walang maaabot ang bantaan at matigasan.
The post BANTAAN AT MATIGASAN BA? appeared first on Remate.
