USAPING nasyonal na ang isyu ng truck ban sa Maynila.
Mula kasi sa simpleng away ng administrasyong Erap Estrada at mga truck operator, lumaki ito hanggang maging isyu sa ekonomiya.
Dahil kung noong nakaraang linggo, palitan ng maaanghang na salita sina Erap at samahan ng truck owners, ngayo’y sumasawsaw na ang iba.
Ang truck ban daw na pinaiiral ng Maynila ay magdudulot ng massive job loss para sa drivers at helpers, ayon kay Labor Sec. Rosalinda Baldoz. Tumataginting na $77 million kada araw naman daw ang nawawalang kita ng mahigit 800 export companies dahil sa truck ban.
Simula noong nakaraang linggo, pinairal ang ordinansa na nagbabawal sa mga truck na bumiyahe sa Maynila mula 5:00 ng umaga hanggang 9:00 ng gabi.
May kabuuan itong 16 na oras o pitong oras na mas mahaba kumpara sa lumang truck ban na dating pinaiiral sa Maynila.
Bukod sa Maynila, ang MMDA ay may sarili o separate truck ban na pinaiiral–simula 6:00 ng umaga hanggang 10:00 ng umaga. Bukod pa ito sa pinaiiral ng ahensya na 5:00 ng hapon hanggang 10:00 ng gabi araw-araw, maliban kung araw ng Sabado o Linggo. Dahil sa mga polisiyang iyan, nag-alburuto ang mga truck operator kaya nagsagawa ng truck holiday noong Lunes, Pebrero 24.
Ayon kay Sec. Baldoz, posibleng magkaroon ng economic impact kung magpapatuloy ang truck ban na patuloy ng iginigiit ni Mayor Erap.
Ayon naman kay Philippine Export Zone Authority head Lilia de Lima, ang mga export company ay nagrerereklamo na sa truck ban. Dahil daw kasi sa truck ban, P77 milyong halaga ng exports ay nawawala araw-araw dahil hindi makabiyahe ang mga truck.
Ang rason ni Erap kaya pinairal ang bagong ordinansa sa truck ban – ito’y para mabura na ang katagal nang namamayaning problema ng trapiko sa Maynila.
May punto si Erap, gayundin si Sec. Baldoz at EPZA head De Lima.
Pero kung ano ang dapat na makabubuti sa bansa ang sana’y manaig sa usaping ito na lumaki na at naging national issue.
The post MAKABUBUTI BA O HINDI? appeared first on Remate.
