HONORABLES ang tawag natin sa ating mga mambabatas. Onorable dahil sa kanilang porma at postura sa pinasukang propesyon – pulitika. Dahil sa titulo, dapat sila ay huwaran. Dapat sila ang halimbawa ng
mabuting mamamayan. Ginagawa ba nila?
Yung bakbakan nina Jinggoy Estrada at Alan Peter Cayetano kamakailan ay ipinakita ang tunay na mukha nila. Ang August chamber ay nagmukhang pondahan ng mga lasenggo sa palitan ng akusasyon. Sino ang totoo at tama sa kanila, wala! Pareho kasi silang tatakbo sa eleksyon 2016.
Ang mukhang ng Kongreso ngayon ay wasak na. Sira na dahil sa mga nakaupo na honorables. Sa halip na gawin ang tungkulin na gumawa, mag-amyenda at bumuo ng makabuluhang batas, mas pinili nila ang maging imbestigador at manira ng kapwa senador.
Ang huling tatlong Kongreso na nagdaan ay talunan ang bayan at mamamayan. Masahol pa kasi sila sa mga artista’t sirkero. Hayan nga, ang layo pa ng 2016, nagsabi na tatakbo sila. Pinipilit na magmukhang santo sa mata ng taumbayan.
Suwerte nga ang mga kaalyado ng Malacañang. Sapul nang lumabas ang isyu ng pork barrel scam, pinili lang ang idinidiin. Tatlo lang. Sina Senate Minority Leader Juan Ponce Enrile, presidentiable Bong Revilla at vice-presidentiable Jinggoy Estrada.
Nakakaawa din ang Commission on Audit (COA) ngayon. Ayaw man nila, kailangan nila maging sinungaling dahil sa takot na alisin sila sa trabaho. Aba, yung tunay na report nila na halos 200 mambabatas sa Senado at Kamara ang sangkot, eh, tatlo lang ang pilit na idinidiin nila? Super!
Dahil sa simula na ng wasakan, ng siraan, kawawa ang sambayanan lalo na yaong mga biktima ng magkakaibang kalamidad. Lalo ng nawala ang atensyon ng mga lider ng bansa at honorables natin para magsilbi sa bayan.
Sabi nga ni Pareng Intoy, “may sisirain pa ba sa mga iyan na mga kriminal sa pondo ng bayan?” Oo nga naman. Meron pa nga ba? Tanong nga lang, bakit sila at sila pa rin ang mga nakaupo sakapangyarihan?
Sagot ni Pareng Intoy, “ang tatanga ng mga botante natin eh, alam ng sinungaling at pabaya, ibinoboto pa din!” Oo nga naman. Tanga nga ba ang mga botante natin ngayon lalo na at sumingaw na ang pork barrel scam?
Maraming problema ang bayan na dapat lutasin ng mga honorables natin pero mas pinili nila ang kanilang ambisyong pulitikal – wasakan na, siraan na. So what? -30-
The post WASAKAN NA, SIRAAN NA, SO WHAT? appeared first on Remate.
