MISMONG mga kaalyado na ni Pangulong Aquino ang nakakikita ng kanyang pagkainutil sa pamamahala sa bansa. Kumbaga sa larong basketball, para siyang harap-harapang sinampal, sinuntok na may kasama pang tadyak ng isang kakampi dahil sa katangahan o pagiging tanga sa pagsyut ng bola sa ring.
Gaya ng nasabing laro, ang pamamahala sa bansa ay kailangan ng teamwork. At si PNoy ang tumatayong captain ball ng ating pambansang koponan.
Pero paano kung ang captain ball ay bano pala ‘pagkat hindi kayang igiya ang kanyang team tungo sa pagkapanalo? Babalugbugin nga talaga siya ng kanyang teammates. Nakita ni Sen. Serge Osmeña ang pagiging bopols ni PNoy sa pamumuno sa “Team Pilipinas”.
Noong botohang 2010, si Osmeña ang nagkampanya para maging captain ball ng koponan si Noynoy.
Hindi niya pinaniwalaan ang sabi sa kanya ng marami na bano ang unico hijo ni Tita Cory.
Ngayon, hindi na siya nagtataka kung bakit “banoynoy” ang tawag kay PNoy.
Sa huling inilabas na datos ng Bureau of Treasury, lalong lumubog sa utang panlabas ang bansa. Tumalon ng 5 porsiyento ang debt stock ng “Team Pilipinas” sa nakaraang buwan ng Enero dahil sa domestic at foreign borrowings nito.
Ibig sabihin, ang P5.334 trillion utang ng bansa ay lumobo na sa P5.594 sa kasalukuyan. Lumilitaw din na ang utang ng Pilipinas ay lumalaki ng 1.5 porsiyento buwan-buwan.
Hiyang-hiya ngayon si Osmeña sa manok niya ‘pagkat walang magawang mabuti ngayon sa koponan ng Pilipinas si PNoy. ‘Yung simpleng “assist”sa kakampi patungo sa basket, ibinabalibag nang malayo kaya hindi makaiskor.
Ayon kay Osmeña, kapag nagkakamali, e, iba ang sinisisi ni Banoynoy.
Bano rin ang mga kasama sa koponan ni PNoy gaya nina Mar Roxas, Butch Abad, Dinky Soliman at maraming-marami pang iba. Kaya kahit mga unano, kayang-kaya silang talunin sa basketball.
Pero hindi naman talaga isang basketball team ang pinamumunuan ni PNoy.
Ang iginigiya niya ay isang bansa na sadlak sa kahirapan at lubog na lubog sa utang.
Dalawang taon pa tayo magtitiis sa kainutilan ni Banoynoy! Ika nga, magdusa tayo.
The post SAMPAL, SUNTOK AT TADYAK KAY PNOY appeared first on Remate.
