SA lahat ng nangyayari sa mabilis na takbo ng panahon at mabilis na ikot ng mundo, sino ang mag-aakala na may mga bagay pang kaya tayong gimbalin.
Sa mga nakita natin, sa mga naranasan, ang isip siguro ng marami ay wala nang makagugulat pa sa marami sa atin.
Pero patunay marahil na sa kabila ng lahat, marami pa rin tayong hindi pa nararanasan, marami pa ang puwedeng mangyari.
Sino ang mag-aakala na mabubulgar ang “kahindik-hindik” na mga iskandalo nang nakawan sa gobyerno, akalain ba natin na sa gitna ng kahirapan ng maraming Pinoy ay napakaraming pera ng pamahalaan na puwedeng nakawin.
Sino ang mag-aakala na may intensity 10 pang lindol gaya ng nangyari sa Japan.
Sino ang mag-aakala na ang isang malaking eroplano ay maaaring mawala sa kalawakan nang ganu’n na lang.
Higit isang linggo pagkatapos huling lumipad ang Malaysian Airline na may dalang lagpas 200 pasahero, hindi pa rin nakikita ang nawawalang eroplano.
Naalala ko ang pelikulang napanood ko maraming taon na ang nakalilipas tungkol sa isang pang-kargamentong eroplano ng FedEx na nag-crash sa isang isla, patay ang lahat ng piloto pero may isang buhay na pasahero.
Ang kuwento ay lagpas 4 na taon bago nailigtas ang nasabing pasahero.
Naalala ko ang mga komento noon tungkol sa pagiging imposible ng kuwento dahil sa mga makabagong teknolohiya raw na makatutulong na sa madaling paghahanap.
Tapos ngayon nga ay nangyari ang sa Malaysian Airline.
Sinong mag-aakala? Kahit pa sa anggulong hijack, napakahirap pa ring paniwalaan.
Kung makita man ang eroplano, o kung hindi na – huwag naman sana – napakahalaga ng aral nito sa buhay ng tao sa makabagong panahon.
Na sa mundo nating ito, patuloy man tayong nagiging matalino bilang mga nilalang, hindi pa rin masusukat ang mga posibilidad ng hindi natin alam.
Sa personal na buhay, hindi tayo dapat mawalan ng pag-asa. Lahat ay posible. Walang imposible.
Kung gagamitin ang aral dito sa araw-araw na buhay, tandaan na sa bawat araw na gumigising tayo, maraming maaaring magbago, simple man ang ilang nangyayari sa atin pero magpapabago ng buhay at may mga kamangha-mangha na hindi inaasahan at hindi inaakala.
The post SINO ANG MAG-AAKALA appeared first on Remate.
