MAY kasabihan tayo na nagpapaalala sa mga kaibigan natin na pilyo, “Huwag mong guluhin ang pansitan.” Ibig sabihin niyan na hayaan mo na munang maayos ang proseso para madali ang kalalabasan.
Sa panig ni Justice Secretary Leila de Lima na may hawak sa kaso ng maanomalyang pork barrel scam ni Reyna Janet Lim-Napoles, parang siya mismo ang nanggugulo sa kanyang pansitan.
Bakit nga hindi, eh, kung saan-saan na napupunta at kung sino-sino na ang nadaramay na mga tao. Ang dapat na sentro ng kaso ay patunayan ang pagkakasala ni Ms. Napoles pero, hayun, kaliwa’t kanan ang tira at idinamay na pati ang kanyang mga tauhan sa National Bureau of Investigation.
Sinibak niya sina Deputy Director Reynaldo Esmeralda at Ruel Lasala sa bintang na nakipagsabwatan sila kay Reyna Janet. Ako man sina Rey at Ruel, bakit nga naman hindi sasama ang loob ko? Pumuti na ang mga bulbol nila sa NBI tapos pagbibintangan sila ng mali?
Ngayon lumabas ang totoo. ‘Yun palang si Atty. Plaridel Bohol na dating asawa ni Sec. De Lima at unang abogado ni Napoles ang nakipagkita kina resigned NBI director Nonnatus Rojas at isa pang NBI deputy director at may closed circuit television pa! Sus ginoo, Leila, anyare sa pansitan mo? Si Atty. Bohol ay kilala maski tanungin pa ninyo ang mahusay na driver-bodyguard ni Delilah, este, De Lima.
Ulitin natin, para sa magpapansit, usaping ligal ito. Ang pangunahing sangkot ay si Napoles at ilang mambabatas sa Senado at Kamara. Hindi ako nagtataka kung bakit idiniriin lang ang tatlo – sina Senators Juan Ponce Enrile, Jinggoy Estrada at Bong Revilla. Pawang kalaban sa partido ang mga ito nina De Lima, wala nang iba pa.
Para tuloy hindi abogado si Sec. Leila sa kasong iyan at natatakot tayo na baka mamatanda siya sa katuturo ng kung sino-sino. Patuloy rin ang kanyang pag-akit sa mga taong gobyerno para gawing “whistleblower”! Sino naman kaya ang makapal pa ang mukha na papayag?
Tingnan ninyo ang nangyari kay dating Technology Resource Center Dennis Cunanan. Lalong nasira at nadiin. Tila winawasak naman ng AMLAC si Benhur Luy. Nasaan ang proteksyong pangako ng Whistleblower Act?
Kwestyon din ang pagpapabaya kay Ruby Tuason na magbakasyon sa Amerika. Palakasan lang ba talaga ang laban sa pork barrel scam?
Best move ni Leila de Lima sa mga nangyayaring gulo sa kanyang pansitan ngayon ay ang mag-RESIGN!
The post ANG PANSITAN NI DE LIMA SA PORK BARREL SCAM…BOW appeared first on Remate.