NAKAGAGALIT ang pananatili ng mapang-api at nakamamatay na sistema ng edukasyon sa ilang pangunahing sentro ng edukasyon sa mahal kong Pinas.
Tinutukoy natin, mga Bro, ang “no late payment policy” ng University of the Philippines, lalo na ang UP Manila. Hindi pumayag ang UP Manila na maka-graduate ngayong Abril ang apat na political science student dahil lang sa pagkabalam ng kanilang pagbabayad.
Mayroon na nga yatang pambayad ang ilan sa mga ito pero dahil sa noong Enero pa ang bayaran na hindi nila natugunan, hindi na rin tinatanggap ang kanilang bayad sa ngayon at hindi na sila pinapayagang maka-graduate.
‘DI PAMARISAN
KATWIRAN ng mga lintek diyan sa UP Manila, kung pagbibigyan umano nila ang apat na estudyante, baka sila pamarisan daw ng iba.
‘Yun bang === darami ang hindi magbabayad sa tamang panahon o lubusang hindi magbabayad.
Anak ng tokwa, saliwa ito sa sentido komon kung tawagin at saliwa rin sa nalalaman nating patakaran sa ibang mga pampublikong paaralan. Normal sa buhay, kahit sa negosyo, ang “late payment” o kahit na “no payment” dahil sa iba’t ibang pangyayari o kadahilanan.
At ito ang dapat na intindihin ng mga hinayupak diyan sa UP Manila.
MAGULANG NAGKASAKIT
DEPENDE sa kuwentong ating naririnig, correct me if I am wrong, rasonable naman ang mga dahilan ng late payment ng mga ito.
Dalawa sa mga estudyante ang may mga tatay na nagkasakit nang malubha kaya naman kinapos sa buhay ang pamilya ng mga ito. Working student naman ang isa na hindi kalakihan ang sahod.
Pero ang pinaka-common ground, mga Bro, ay bahagi ng mga mahihirap na pamilya ang mga estudyante at ito ang pangunahing dahilan ng pagka-delay ng pagbabayad nila ng kanilang mga obligasyon sa unibersidad.
Hindi ba sapat ang mga kalagayang ito na pagbigyan ang mga estudyante na nagsikap na makatapos nang lahat ng rekisitos para maka-graduate?
PATAKARANG DEPED
SA mga sakop ng Department of Education na pampublikong paaralan, naririyan ang tagubilin ng departamento na pagradweytin ang lahat ng mga nakatupad ng rekisitos at huwag pairalin ang mahigpit na patakaran sa pagbabayad. Karanasan nga ng mga mahihirap na magbayad kahit ilang buwan o taon makaraang makatapos ang kanilang mga anak.
At dito natin nakikita ang espiritu ng sinasabi sa Konstitusyon na ang edukasyon ang dapat na pangunahing bigyan ng pagpapahalaga ng estado. Kitang-kita naman ito sa pagkakaroon ngayon ng DepEd at Commission on Higher Education ng pinakamalaking pondo mula sa pambansang badyet, maliban sa pambayad sa kabuuang utang ng gobyerno.
Hindi ba magagawa ng UP Manila ang pagluluwag sa mga iskolar ng bayan na siya naman talagang inaasahan para sa kinabukasan ng bayan kong mahal? Baka manggaling pa sa mga estudyanteng ito ang magiging topnotcher sa mga bar exams at iba pang kalagayang ipinagmamalaki mismo ng UP at ng buong bansa.
KRISTEL TEJADA
NAGPAKAMATAY noon ang freshman na si Kristel Tejada dahil sa patakarang “no late payment policy” ng parehong unibersidad. Nagkaroon naman ng pagbabago…raw. Pero lumilitaw ang katotohanang hindi pala nagbago ito at mahigpit itong ipinatutupad.
Kung sino ang namumuno noon sa UP Manila nang nagpakamatay si Kristel ay siya pa rin ngayon ang bosing diyan sa unibersidad.
Ang tanong ngayon: paano kung muling may mag-suicide o sabihin nating may mag-amok sa mga batang ‘yan? Kapit-tuko pa rin ang bosing diyan?
PROMISSORY NOTE
SA ibang mga kolehiyo at unibersidad, may tumatanggap ng promissory note.
Kahit pa sa mga pribadong kolehiyo at unibersidad na umaasa lang sa mga bayarin ng mga estudyante para mabuhay, makapagpasahod sa mga guro at empleyado at mapabuti ang kanilang mga pasilidad at sistema ng paghahatid ng de kalidad na edukasyon. Saka na lang naniningil ang mga ito sa mga oras na kunin na ng graduates ang kanilang mga diploma at transcript of records.
Itong lintek na UP Manila na ginagastusan ng taumbayan, eh, hindi papayag na maka-graduate ang mga matatalinong bata. Bakit?
Sa palagay ba ninyo, mga Bro, ay hindi nakatitikim ang UP Manila mismo sa mga buwis na binabayaran ng mga magulang at sa mga expanded value added tax ng mga miyembro ng pamilya ng apat na graduating students?
Sa palagay ba ninyo, hindi sumasahod ang mga tagapagtaguyod ng “no late payment policy” mula sa mga bayarin sa pamahalaan ng mga pamilya ng apat na estudyante?
Pero ang higit na mahalaga, itinatatag ang mga pampublikong paaralan, bilang obligasyon ng pamahalaan sa lahat ng mga mamamayan at sekundaryo lamang ang kakayahan na magbayad ang mga estudyante.
PERA, PULITIKA
NAKAPAGTATAKA naman ngayon, mga Bro, ang kawalan ng aksyon ng Palasyo, maging ang Kongreso, sa usaping ito sa UP system.
Habang nagbubuhos ang pamahalaan ng bilyon-bilyong piso sa mga Public-Private Partnership na puro pera-pera ang pinag-uusapan, wala tayong naririnig na interes ng mga ito na humarap sa anti-poor at anti-edukasyon na patakaran ng UP system.
Nalululong din ang mga ito sa pagpapabagsak sa mga kalaban nila sa pulitika sa ngalan ng anti-corruption campaign kasabay ng pagtatago nila ng kanilang mga sarili bilang kawatan din sa kaban ng bayan.
What’s happening to our country, colonel at directors?
oOo
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333.
The post UP ‘NO LATE PATMENT POLICY’ DAPAT NANG BUWAGIN appeared first on Remate.