NANANAWAGAN tayo sa pamahalaang Aquino na gawin nito ang lahat para matigil na ang pamamaslang sa mediamen.
Si Rubie Garcia, reporter ng ating pahayagang Remate sa lalawigan ng Cavite, ang pinakahuling biktima ng pamamaslang ng mga gustong patahimikin ang media sa krusada nito sa iba’t ibang kabulukan na nagaganap sa ating bansa.
Mayroon nang nasa 20-24 na mamamahayag, depende sa organisasyon na nagrerekord nito, ang pinatay sa ilalim ng pamahalaang Aquino.
Nagaganap ito sa kabila ng pangako ng pamahalaan na tinitiyak nito ang pagkakaroon ng mapayapang bansa at kaligtasan ng mga mamamayan mula sa kamay ng mga mamamatay-tao.
AKTIBONG PNP
PINASASALAMATAN natin ang lahat ng sangay ng pulisya na aktibong lumalahok sa imbestigasyon.
Naririyan ang Camp Crame, ang PNP Calabarzon, ang Cavite Provincial Police Office, ang Bacoor Police Station at ang Criminal Investigation and Detection Group.
At isa sa mga huling aksyon ng pamunuan ng pulisya ay alisin sa katungkulan bilang hepe ng Tanza, Cavite police station batay sa pagsasangkot dito ni Rubie sa kanyang kamatayan.
Sa mga kuwento ni Rubie sa ilang miyembro ng kanyang pamilya, si Tanza police chief Supt. Conrado Villanueva ang isa niyang nakasagutan ilang araw bago ang pamamaslang.
Naulit ang pagtuturo ni Rubie kay Villanueva habang naghihingalo ito at itinatakbo sa St. Dominic Hospital sa Bacoor na kung saan siya nalagutan ng hininga habang inooperahan.
ILANG ANGGULO
BUKOD kay Villanueva, may iba pang anggulo na posibleng dahilan ng pagpaslang kay Rubie.
Pero diriinan natin ang kanyang laban sa droga.
Ayon sa halos lahat ng mga reporter sa lalawigan at kasamahan ni Rubie, bibihira ang mga patayan, holdapan at nakawan sa lugar na hindi konektado sa droga.
Malala ang droga sa lalawigan, ang ibig sabihin nito ay may posibilidad na may mga pulis na sangkot dito bilang mga protektor o druglord kaya.
Ngunit ang pananahimik ng pulisya sa malaganap na droga sa lalawigan ay nagbubunga naman ng paniniwala na may malalaking taong kinatatakutan ng mga ito.
Posible bang konektado rin sa kampanya ni Rubie bilang mamamahayag at mediaman ang kanyang kamatayan?
NEGATIVE, SIR!
BAGO pinaslang si Rubie, may umaali-aligid sa kanyang bahay, partikular sa kalsada na nasa harap ng bahay.
May kausap sa cellphone ang isa sa mga ito at isa sa mga binitiwang salita ay “negative, sir!”
Makaraan nito, naganap na ang pamamaslang.
Sino ang sir na kausap ng mga kriminal?
Pulis ba, politiko ba, negosyante ba?
Ang mahalaga ay ang paglutang ng paniniwala na may nag-utos sa pagpaslang kay Rubie.
AKSYON NG NBI
DAHIL sa lahat ng mga nabanggit na sirkumstansya, hindi nakapagtataka kung bakit kinokonsidera ng pamilya ni Rubie na magpatulong sa National Bureau of Investigation para sa ikalulutas ng kaso.
At para sa atin, walang dapat na selosan o agawan ng jurisdiction ang pulisya at NBI sa kaso.
Tanggap naman ng lahat ang posibilidad ng parallel investigation at ginagawa ito para walang lokohan o whitewashing na ikagugulo at ikasasama ng kaso hanggang sa mawalan ito ng saysay.
Kumbaga, sa mga kasong korapsyon at pandarambong, pupuwedeng sabay-sabay na mag-imbestiga ang Kongreso, ang Ombudsman, ang Department of Justice at iba pa.
Ganito rin ang nakikita nating mga pangyayari.
At dapat na patungo sa tunay na katarungan ang lahat.
WALA NANG KASIGURUHAN
HABANG ipinagluluksa natin ang kamatayan ni Rubie, lumilitaw ang buong katotohanan na wala talagang kasiguruhan ang buhay ng mediamen, lalo na kung ginagampanan nila nang husto ang kanilang tungkulin bilang mga mamamahayag at mamamayan.
Matatandaang sinasabi ng isang pag-aaral na nasa 70 porsyento sa kamatayan ng mga mediaman sa mahal kong Pinas ang gawa ng mga taong gobyerno o konektado sa mga ito.
Ang ibang kamatayan ay sa kamay ng mga ordinaryong kriminal o ibang mga kadahilanan.
Sa rekord na ito, nakatatakot ang ating kalagayan bilang mediamen.
Nakatatakot, lalo na ngayong lumalagablab ang mga isyu sa korapsyon, pandarambong, droga at iba pang mga seryosong usapin na kamatayan ng mediamen ang isa sa mga pinag-iinitan ng mga kriminal.
Gumagawa ang mga kriminal sa gobyerno ng mga matitinding krimen at para hindi sila mabisto ng publiko sa bisa ng media sa anomang anyo nito, kamatayan ang ipinapataw sa mediamen.
MAGKAISA LAHAT
MAY magagawa ang mediamen para protektahan ang kanilang mga sarili mula sa mga mamamatay-tao sa abot ng kanilang makakaya.
Pagkakaisa, pagtutulungan at paggising sa mga kinauukulan na pairalin ang mabilis at tiyak na katarungan ang isang malaking susi.
May mga hidwaan man kung minsan sa hanay ng mga mamamahayag, sa pagkakataong ang buhay na ng mediamen ang kinikitil, kasama ang kalayaan sa pamamahayag, ang pagkakaisa at pagtutulungan ay labis nating kailangan.
oOo
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333.
The post PARALLEL PROBE SA GARCIA SLAY AT MAGKAISA LAHAT appeared first on Remate.