NOONG Linggo ay walang awang pinaslang ang ating kasamahan na si Rubie Garcia. Isa na namang miyembro ang media ang nalagas at wala tayong ibang dapat sisihin kundi ang inutil na liderato ng Philippine National Police. Dahil kasi sa mga kalokohang ginawa sa mga patakaran ukol sa pagpapalisensya ng mga baril, mangilan-ilan na sa ating mga kasamahan sa media ang may ligal na armas.
Sa ilalim ng liderato ni PNP Chief Alan Purisima, umaabot na sa halos dalawang dosena ang napapaslang na miyembro ng media at ni isa sa mga kasong ito ay may natukoy o nahuli man lang na salarin, lalong-lalo na ang mga mastermind. Maaari sanang maintindihan ang kakulangan ng ating mga pulis upang bantayan ang kaligtasan ng mga mamamahayag subalit ang hindi katanggap-tanggap ay ang kawalan ng resulta ng mga isinasagawang imbestigasyon.
Bugok at bulok kasi ang namumuno ngayon sa PNP kaya’t puro kapalpakan ngayon ang nangyayari sa ating kapulisan. Maging sa loob ng kanilang organisasyon ay mababa na ang moral ng mga tao dahil nadadamay sila sa mga kahihiyang dulot ng walang kwentang liderato ni Purisima.
Subukan ninyong pumunta sa mga online forum tungkol sa PNP at dito ninyo mararamdaman ang galit at ngitngit ng taumbayan.
Ang lalong hindi ko maintindihan ay kung bakit patuloy pa rin ang suportang ibinibigay sa kanya ni Pangulong Aquino. ‘Yan tuloy, mayroon tayong palpak na Pangulo at mayroon pa tayong mas malaking palpak na PNP chief.
Ano pa kayang pruweba ang kailangan ni PNoy upang patunayan na walang kakayahan si Purisima na maging pinuno ng PNP?
Halos naging triple ang dami ng krimen, lalong-lalo na ang mga tinatawag na heinous crimes sa ilalim ng kanyang pamumuno at sa kasamaang palad ay kasama sa mga biktima ang ating mga kasamahan sa media. Ito ang dahilan kung bakit isa ang Pilipinas sa mga bansang itinuturing na pinakamapanganib na lugar para sa mga journalist.
Kung hindi sapat ang lumalalang krimen na maging dahilan upang sibakin si Purisima, maaari rin namang magtanong-tanong lang si PNoy ukol naman sa kawalan ng liderato ng kanyang dating bodyguard.
Alam na alam natin na maraming opisyal na hindi lang si Senior Supt. Conrad Capa ang gigil na gigil sa pagiging walanghiya nitong si Purisima at marami sa kanila ang walang respeto sa PNP chief dahil alam na alam nilang wala itong kakwenta-kwenta bilang boss.
Kapag ganyan na walang respeto sa iyo ang iyong mga tauhan at sumusunod lamang sila sa iyo dahil mas mataas ang iyong ranggo, magiging inutil at palpak din ang iyong liderato. Ganyan ang nangyayari ngayon sa PNP.
Ngunit sadya nga yatang mana-mana lang din ang pagiging inutil at palpak. Paano aasahan na titino ang PNP chief kung protektado siya ng Pangulo na isa ring inutil at palpak?
The post INUTIL NA, PALPAK PA appeared first on Remate.
