MUKHA yatang very effective itong pilot project nitong si Taddy Palma at ng Novaliches Police Station 4 ng QCPD tungkol sa pagsasaayos sa mga kolorum na tricycle sa buong bayan ng Novaliches.
Ang project na ito ni Palma ay pabor sa mga pasahero o tricycle rider, ngunit hindi sa mga tricycle operator at driver na walang ibang hangarin kundi ang kumita at walang pakialam sa mga mangyayari.
Hindi maikakaila na daang libo ang mga bumibiyaheng tricycle rito sa Quezon City at mahigit sa kalahati ng bilang nito ay pawang mga kolorum o iligal. Sa madaling salita ay walang papel.
Kawawa ang mga nagiging biktimang pasahero kapag naaksidente ang kolorum na tricycle dahil wala talaga silang mahahabol, lalo na kapag malatuba at walang puso ang operator nito.
Maganda ang naisip nitong si Palma na bigyan ng karapatang manghuli ng mga kolorum, hindi rehistradong mga tricycle at walang lisensyang driver ang PS-4 ng QCPD.
Sa ilang araw na huli nang huli ang mga pulis ay umaaray na ang Tricycle Regulation Unit o TRU dahil sila ang nahihirapang kumuha ng mga nahuling tricycle sa PS-4 sa Novaliches para dalhin naman sa impounding area ng TRU para mabigyan ng ticket ang mga driver at operator.
Kung binigyan ng authority nitong si Palma ang PS-4 para manghuli ng mga kolorum at hindi rehistradong tricycle, eh, bakit hindi bigyan ng authority ang buong kapulisan dito sa Quezon City para malinis din ang buong lungsod sa mga pasaway na tricycle operator at driver.
Kung bibigyan ng pahintulot nitong si Palma ang 12 police station dito sa QC para manghuli ng mga kolorum, hindi rehistradong tricycle at walang lisensyang driver, aba, magandang laban ito. Matira ang matibay sa Taddy Palma at QCPD vs kolorum at hindi rehistradong tricycle.
At bilang presidente ng isang TODA rito sa QC ay sinusuportahan ko ang layunin nitong si Palma.
Sa katunayan, lahat ng mga sakop kong tricycle na hindi rehistrado ay pinahuhuli ko sa TRU, pero ang masakit lang dito, kapag may umarbor o lumapit, lalo na kapag isang pulis, ay nire-release rin ng TRU ang nahuling tricycle kahit na ito ay maraming violation.
Sir Taddy Palma, saludo po ako sa inyo, maganda ang pilot project n’yo sa Novaliches na linisin ang mga kolorum na tricycle. Sana po ay sa buong lungsod na.
o0o
Bukas po ang Lily’s Files para sa inyong mga reklamo o hinaing, suhestyon at komento, mag-text lang po sa 09087230036.
The post TADDY PALMA AT QCPD vs KOLORUM NA TRAYSIKEL appeared first on Remate.