MALIBAN sa sangkatutak na basura ay ang napakatinding polusyon sa hangin ang unti-unting pumapatay sa ating mga siyudad, lalong-lalo na sa Metro Manila.
Sa sobrang kapal ng mga usok na nagmumula sa mga tambutso ng mga sasakyan ay tila makapal at maitim na ulap ang bumabalot sa ating mga lansangan.
Nagtataka ako sapagkat sa pagkakaalam ko ay mahigpit ang ating batas, batay na rin sa nakasaad sa ating Clean Air Act, laban sa mga mauusok na sasakyan at ibang mga bagay na nagiging sanhi ng polusyon sa ating nalalanghap na hangin.
Taong 1999 pa naisabatas ang Clean Air Act subalit napabibilang na ito sa mga walang katuturang batas dahil hindi naman ito ipinatutupad nang maayos. Sa halip na gumanda ang kalidad ng hanging nilalanghap natin gaya ng intensyon ng Clean Air Act ay lalo pang lumalala ang polusyon sa Kamaynilaan.
Bagama’t maganda naman kasi ang layunin ng batas ay inutil at kurakot naman ang mga taong nagpapatupad nito kaya wala tayong nararamdaman ni katiting na pagbabago. Sa halip na gamitin ang batas upang malinis ang ating hangin ay ginawa na itong gatasan ng mga walanghiyang negosyante at mga opisyal ng pamahalaan gaya na lamang nitong mga tauhan ng Department of Environment and Natural Resources(DENR), ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at ng Land Transportation Office (LTO).
Tiba-tiba ang kwartang nakukurakot dito ng mga Smoke Emission Testing Centers na nagpapalusot ng mga mauusok na public utility vehicles gaya ng bus at jeepney. Ito ang dahilan kung bakit sa kabila ng pinagdaraanang smoke emission test bago maaaring marehistro ang sasakyan, halos lahat pa rin ng bus at jeepney na nakikita nating namamasada ay pawang mga smoke belcher. Ni hindi mo kailangan ng kahit anong instrumento para malaman ito sapagkat ang kakapal at ang iitim ang mga usok na nagmumula sa kanilang mga tambutso.
Syempre kapag may palusot, natural na may dagdag na lagay rito upang lalabas na pasado ang iyong sasakyan sa smoke belching.
Patuloy pa rin na pinaninindigan nitong si DENR Secretary Ramon Paje ang kanyang pagiging HB (Hari ng mga Batugan) dahil maging ang napakasimpleng implementasyon ng Clean Air Act ay hindi niya ito magawa nang maayos. Nagtatanga-tangahan lang ang peg mo, sir?
Kung ang ating layunin ay ang linisin ang ating lansangan sa mga smokebelcher sa mga pinalusot ng mga dorobong smoke emission testing centers, aba’y maglagay lang ang DENR ng mga tauhan nito sa mga pangunahing lansangan gaya ng EDSA, Commonwealth, C-5 at Quezon Avenue ay tiyak na marami silang masasakoteng lumalabag sa ating Clean Air Act.
Sabagay, bagama’t napakadali lang namang gawin ito ay wala talaga tayong maasahan sa ating gobyerno. Kung gaano kasangsang ang usok na nalalanghap natin sa Metro Manila ay ganyan din kasangsang ang kalidad ng opisyal na dapat sana’y asahan natin para linisin ito.
***
Para sa inyong komento at reklamo, mag-email lamang sa gil.bugaoisan@gmail.com.
The post WALANG SILBI ANG CLEAN AIR ACT appeared first on Remate.