DAPAT nang baguhin ang imahe ni DILG Secretary Mar Roxas sa publiko kung gusto talaga niya ang Liberal Party na siya ang pumalit kay Pangulong Noynoy Aquino sa Malakanyang.
Ito kasi ang isa sa pinakakailangan sa imahe ni Roxas na sa hindi malamang kadahilanan ay nanatiling negatibo ang dating sa publiko sa kabila ng hindi ito nadawit sa kahit anomang isyu ng kurakutan sa gobyerno.
Sa salitang kalye, pagpapapogi sa lahat ng aspeto ang kailangan ni Roxas at ito ay kanilang dapat simulan agad-agad dahil nalalapit na ang 2016 at posibleng gahol na sila sa panahon.
Dapat na ring pakinabangan ang kanyang mga taga-isip kung may isip nga ang mga ito o mga sipsip buto lang dahil bobo na lamang ang hindi nakaaarok sa kalalagayan ni Roxas kapag hindi nila binago ang imahe nito sa madlang people.
Kailangang gamitin din ng Roxas camp o palakihin ang isyu ng pagiging malinis ng kalihim sa isyu ng kurakutan dahil sa kanyang mga posibleng makatunggali ay puno ng demanda sa Ombudsman at Sandiganbayan.
Issue-oriented at gimik ang dapat pagsabayin ng Roxas camp para makahabol kay VP Jojo Binay dahil kapag hindi nila pinagsabay ang dalawang ito ay tiyak na kakapusin na naman itong asawa ni Korina Sanchez.
Masa ang mamboboto kaya dapat magpakamasa itong si Roxas na nananatiling elitista sa isip at mata ng publiko dahil dito lamang siya makababangon.
Maraming magagaling na tao sa Pinas kung gustong bumangon ni Roxas sa pagkakasadlak sa kawalan at iyan ang dapat niyang agad gawin dahil malinaw namang puro sipsip buto at kumag lamang ang nakapaligid sa kanya na walang iniisip kung hindi magkamal ng pera.
The post TOTAL MAKEOVER KAY ROXAS appeared first on Remate.