TATLONG mga menor-de-edad ang nailigtas daw mula sa mga human trafficker, ayon sa balita noong isang araw. Pinilit daw ang mga bata na magtrabaho sa isang bar.
Noong nakaraan naman ay naibalita na mga paslit ang pinatay ng kanilang mga magulang dahil daw sa hirap ng buhay, tinakasan na ng bait ang nasabing magulang.
Napakaraming mga bata sa lansangan na nanlilimos, marahil ay hindi na rin sila nag-aaral.
Sa mga magugulong lugar sa Mindanao, sinasabi rin ng mga report na mga bata ang ginagamit na human shields ng mga bandido sa mga bakbakan laban sa mga militar.
At hindi minsan na nakarinig tayo ng mga balita tungkol sa mga batang drug mules, at mga batang hinahawakan ng mga sindikato bilang sundalo ng kanilang mga iligal na gawain.
Sa kahirapan ng buhay, mga menor-de-edad ang unang naaapektuhan.
Sila ang unang nagdurusa at sila ang madalas na napapahamak nang walang kalaban-laban.
Responsibilidad ng ating sambayanan na pangalagaan ang ating kabataan.
Ang kapakanan ng mga bata ay hindi isang pribilehiyo lang para sa kanila kundi kanilang karapatan. Not a privilege but a right.
Ang ibig-sabihin ay ipinag-uutos ng batas ng ating bayan ang maganda, payapa, ligtas at maayos na buhay para sa mga kabataang Filipino.
Ang ibig-sabihin ay hindi na kailangan pang hingin ng bata kundi dapat ipagkaloob sa kanila ng pamahalaan ang kanilang mga karapatan.
Bukod sa karapatan na mabuhay ng payapa at ligtas, karapatan din nila ang tamang edukasyon.
Karapatan nila na may nagaasikaso at nag-aalaga sa kanila, karapatan nila na may makain, na may matirahan, na maging malusog at may kasuotan.
Karapatan nila na magkaroon ng proteksyon sa kaguluhan at hirap ng buhay.
Karapatan nila na makapaglaro at karapatan nila na matulungan at maipagtanggol ng pamahalaan.
Taliwas sa mga karapatang ito ang nababasa natin sa mga diaryo at napapanood sa TV.
Mga bata na kasangkapan ng krimen, mga bata na iginigitna sa mga digmaan, mga bata na gutom, takot, may sakit.
Hindi natatamasa ng maraming kabataang Pinoy ang kanilang mga karapatan.
The post KARAPATAN NG BATA appeared first on Remate.
