ANG taunang pagdiriwang at pagpapahalaga sa mga INA na ipinagdiriwang sa pangalawang Linggo ng Mayo. Ngayong taong ito ay natapat sa May 11, 2014 ang Mother’s Day.
Nais ko lamang magbahagi ng ilang bagay tungkol sa araw na ito sapagkat ang pagbibigay at pagpapahalaga sa isang ina ay tunay na tanda ng pagkilala.
Batid ng balana at tayo mismo na mga ina kung gaano kahirap ang manganak. Sabi nga nila kapag ang isang babae ay kasalukuyang nanganganak ang isang paa niya ay nasa hukay. Ibig-sabihin sa panahon ng panganganak ng isang ina, siya’y maaaring mamatay.
Ang ating mga ina ay ganito ang naranasan. Mula sa paglilihi hanggang sa pagbubuntis ay kalakip ang hirap na nadarama nila. Siyam na buwan na dala-dala nila ang sanggol sa kanilang sinapupunan hanggang sa dumating ang takdang araw ng kanilang pagsilang.
Pagkatapos na mailuwal ang sanggol hindi doon nagtatapos ang kanilang pananagutan, bagkus iyon ang simula ng kanilang lalo pang sakripisyo sapagkat aarugain nila ang sanggol na isinilang. Palalakihin at huhubugin sa buhay na haharapin upang pagdating ng araw ay maging isang mabuting tao, dahil sa pagsubaybay ng mapagpalang ina.
Kung gugunitain ng bawat isa ang mga pagsusumikap, pagmamalasakit at pagpapakahirap ng isang ina ay ‘di natin kayang bayaran lahat nang ito. Mula sa pagdadala sa atin sa loob ng siyam na buwan hanggang sa pagsisilang sa atin, sa pagpapalaki, sa pagbibigay ng edukasyon hanggang sa makatayo tayo sa ating sariling mga paa at magtagumpay, sila ang tumutulong at umaagapay.
Ang ina ang unang guro ng bata at sa tahanan nagmumula ang paghuhubog ng mga anak. Sa kanya tayo humuhugot ng lakas, inspirasyon, kaligayahan at katatagan ng buong pamilya.
Kaya marapat lamang bilang mabubuting mga anak ating mahalin, igalang at bigyan ng pagpupugay ang ating mga ina, na naghirap upang makarating tayo kung nasaan tayo sa kasalukuyan. “ina dakila ka” pinakadakilang nilalang sa balat ng lupa, kung turingan ang ating mga ina. Sila ang kinasangkapan ng Diyos upang patuloy na mailuwal ang sangkatauhan sa balat ng lupa.
Tunay na kahanga-hanga ang ating mga ina. Sabi pa nga nila, hindi mo malalaman at hindi magiging ganap ang pagkatao ng isang babae, hangga’t hindi siya nagiging ina, at nagsisilang nang kanyang anak. Ang butihin nating mga ina ang karamay ng kanyang mga anak sa anomang suliranin na umuusbong sa buhay nila.
Nariyan sila sa ating tabi upang tayo’y subaybayan sa pamamagitan ng mga pangaral at pagsuway sa mga maling gawain. Hindi sila napapagod sa pagtulong sa kanilang mga anak kahit ang mga ito ay may asawa na. Malaking sakripisyo ang ginagawa ng isang ina kapag nagkakaroon ng karamdaman ang kanyang mga anak.
Kung maaari nga lamang na akuin na niya ang karamdaman upang siya na ang magkasakit at mahirapan ay gagawin niya.
Iba’t iba pang sakripisyo na hindi matatawaran ang handog sa atin ng ating mga ina.
Sa punto ng buhay natin ngayon, na tayo ay nasa hustong gulang na, at mayroon na ring sariling mga anak at pamilya, lalo nating lubos na nauunawaan kung ano-ano ang mga sakripisyo na dinanas ng ating mga ina. Kaya sa lahat ng mga may ina pa na nagmamahal at kumakandili sa kanila, bata man sila, subalit lalong-lalo ang mga ina na may katandaan na, ipadama natin ang ating pagmamahal sa kanila kahit sa mumunting mga bagay, sa abot ng ating makakaya. Hindi lamang salapi ang makapagpapasaya sa kanila, kundi ang ipinadarama nating paggalang, pag-alala at paglingap, sa panahon na kailangang-kailangan nila ang ating presensya.
Saan man tayo naroroon, malayo man at malapit sa kanila, gumawa tayo ng paraan na sila ay mapasaya sapagkat, hinding-hindi na natin sila mayayakap at masasabi na mahal na mahal natin sila kapag sila ay nawala na. Happy Mother’s Day po sa lahat ng ating mga ina!
The post HAPPY MOTHER’S DAY! appeared first on Remate.