MAGANDA at maaliwalas ang mga inilabas na bagong plaka ng sasakyan na ayon sa Land Transportation Office o LTO ay first batch pa lang.
Puti ang background at itim ang letra ng bagong mga plaka. Mayroon silang tatlong control letter at apat na ang numero, ‘di tulad ng dati na tatlong letra lang at sa ilalim ng mga letra at numero ay nakasulat kung saang region nakarehistro ang plaka.
Taas noong ipinagmalaki naman nitong si LTO Chief, Alfonso Tan, ang kanilang mga inilabas na plaka dahil bukod sa kakaiba ito, may mga security feature pa raw para hindi madaling bakbakin at ma-tamper.
Ang high-tech feature raw ng mga bagong labas na plaka ay may bar code, na kapag in-scan ay makikita ang chasis at motor number, kulay at ang uri ng sasakyan.
Madaling makita at mabasa ang letra at numero ng plaka at mahirap daw itong i-clone kaya mahihirapan daw ang masasamang loob na gayahin ito.
Naku po, huwag kayong kasisigurado. Pinoy pa! Ang daming alam na kalokohan. Kahit ano pa yatang ilagay na mga high-tech feature ay kayang-kayang sirain ng Pinoy, lalo na kung ito ay pagkakakitaan.
Siguro sa simula ay mahihirapang gayahin ang mga bagong labas na plaka pero kalaunan ay makukuha at makokopya rin ang mga ito.
Ang mga may ari ng sasakyan na nagparehistro mula Pebrero 17 ngayong taon na ito ay maari na raw nilang kunin ang kanilang mga plaka. Eh, paano naman kaya ‘yung mga nauna nang nagparehistro?
Kailan makukuha ang kanilang mga plaka?
Aba, eh, dapat ang inuna ng LTO ay ‘yung mga matagal nang nagparehistro ngunit wala pa ring plaka hanggang ngayon.
Nagbabayad din naman sa pagpaparehistro ang mga ito. Sana lang ay huwag nang abutin pa ng siyam-siyam bago nila makuha ang plaka ng kanilang mga sasakyan.
***
Bukas po ang Lily’s Files para sa inyong mga reklamo o hinaing, suhestyon at komento, mag-text lang po sa 09087230036 at 09156588600.
The post MGA BAGONG PLAKA NG SASAKYAN, MAY BAR CODE NA appeared first on Remate.
