INILUNSAD ng Clark Water ang ‘Water Only Campaign’ na naghihikayat ng pag-inom ng malinis na tubig kaysa pagkonsumo ng mga prosesong inumin para sa pagbuti ng kalusugan.
Ayon kay Jesus D. Laigo, General Manager and Chief Operating Officer ng Clark Water, ang halaga ng pag-inom ng tubig ay madalas na nakaliligtaan dahil na rin sa dami ng iba’t ibang prosesong inumin na nasa mga pamilihan ngayon. “Hinihikayat namin ang aming mga empleyado at kostomer na muling tuklasin ang magagandang naidudulot ng pag-inom ng tubig gaya ng pagkakaroon ng maaliwalas na balat, bilang gamot sa sari-saring karamdaman tulad ng sakit ng ulo at tiyan. Mainam din ito sa mga taong may sakit sa puso bukod pa sa nakapagpapaalis ng mga dumi o toxins sa katawan”.
“Sa pamamagitan ng ‘Water Only Campaign’, nais naming ipaalala kung gaano tayo kapalad dahil sa may maaasahang, malinis at ligtas na tubig-inumin sa ating mga pamayanan ‘di tulad ng ibang bahagi ng mundo kung saan matindi ang kakulangan ng tubig,” dagdag ni Laigo.
Ayon sa pag-aaral ng World Health Organization at United Nations Children’s Fund (UNIC-EF), milyon-milyong tao sa buong mundo ay salat sa ligtas at malinis na inuming tubig. Tinatayang 1.8 milyong tao ang namamatay kada taon dahil sa mga sakit buhat ng maduming tubig tulad ng diarhea, cholera, dysentery, at typhoid.
Ang pagkakaroon ng mainam na kalidad ng tubig ay isa sa nagbibigay daan sa malinis at malusog na pangangatawan.
Ang Clark Water ay ang tagapaghatid ng serbisyong patubig at gamit na tubig sa Clark Free-port at Clark Special Economic Zone. Isa ito sa mga sangay ng Manila Water, ang konsesyonaryo sa Silangang bahagi ng Metro Manila.
The post INILUNSAD NG CLARK WATER ANG WATER ONLY CAMPAIGN appeared first on Remate.
