MARAMI ang umaasa na magiging “open” ang Maynila sa iligal na sugal na ipinatigil ni Manila Police District director Chief Supt. Rolando Asuncion mula nang maitalaga siya sa puwesto at tanggapin ni Manila Mayor Joseph Estrada.
Naku, mamamatay kayo sa inis. Lalo na ang ex-general na nagsasabing sulsultant siya ni Mayor Erap at nagpapakilalang hepe ng isang tanggapan sa Manila City Hall gayong wala naman siyang tao maliban sa isang sarhento na bata ni dating Manila Mayor Alfredo Lim.
Sirang-sira tuloy ang pangalan ng isang police official dahil nagagamit ang kanyang pangalan sa pangongolekta ng sarhento gayong wala naman siyang natatanggap.
Matibay ang paninindigan at prinsipyo ni Gen. Asuncion at handa siyang magsakripisyo na huwag tumanggap ng lingguhang payola mula sa gambling lords na pilit humahanap ng padrino upang makapag-operate sila kaya nga kinontak si Mr. Clean na nagsasabing malakas siya sa DD ng Maynila.
Kaya lang, tinanggihan ni Gen Asuncion si Mr. Clean kaya nga ang inaasam na makapag-operate ng sugal ngayong linggo ay nasupalpal. Sinabi ng heneral na hindi siya ipokrito na magsasabing hindi niya kailangan ang perang dapat sana ay sumasapit sa kamay niya mula sa parating mga iligalista sa sugal, pero hindi niya sisirain ang kanyang serbisyo para lang magkamal ng salapi.
Lalong hindi niya kayang sibakin sa puwesto ang mga opisyal niyang hinihiling ng ilang konsehal ng Maynila na masibak sa puwesto lalo’t batid niyang nagtatrabaho. Naku, General Asuncion, tama ka riyan. Pero mas maganda kung sibakin mo sa puwesto ang opisyal mo na kinaiinisan ng marami dahil sa kayabangan.
Wala naman itong ginagawa sa kanyang bagong puwesto kung hindi magpaikot-ikot na parang modelo. Paki-tsek mo na rin ang gamit niyang sasakyan na bagaman red plate ay dating mobile patrol car pala.
Mas lalong hindi papayag ang magiting na heneral na kumalat ang droga sa Maynila na kadalasang kasabay ng bawal na sugal. Kaya nga mas pinatindi niya ang operasyon ng kanyang District Special Operating Unit (DSOU) na magiging laban sa lahat. Malinaw na umaasa sa wala ang mga iligalista kung kaya’t dapat matigil na rin ang pangongolekta ng sarhentong kolektor ni Mr. Clean, lalo na sa mga video karera ni Gina Gutierrez.
o0o
HINDI lang mabagal na pagpirma sa vouchers upang makasweldo ang ikinaiinis ng mga empleyado ng Manila City Hall kay Atty. Speedy kundi maging ang pagmumura nito na parang palamunin niya ang kanyang mga tauhan.
Ayaw magreklamo ang mga tauhan ni Atty. Speedy Bagal dahil kailangan nila ang trabaho upang mabuhay.
Higit sa lahat, inis sa kanya ang mga department head na kailangan pang pumirma sa visitor’s slip at maghintay sa labas ng kanyang tanggapan habang ang mga kaibigan, kaututang dila at tsokaran ay dire-diretso lang sa kanyang malihim na kuwarto.
The post UMAASAM SA WALA appeared first on Remate.
