DUMARAMI ang mga mamamayan na tinatamaan ng heat stroke dahil sa sobrang init ng panahon.
Marami ring alagang hayop, gaya ng mga kalabaw at baka, ang namamatay dahil sa sobrang init ng panahon. Nahi-heat stroke din sila.
Pero ang nakakakaba ay ang heat stroke na tumatama sa tao.
Kung hindi ka kasi mamamatay, masasama ang iyong pamilya sa iyong paghihirap, maging ang iyong mga kapitbahay.
MALAKING KAWALAN
PARA sa mga magsasaka, malaking kawalan ang pagkamatay ng kanilang mga katuwang sa pagbubukid na kalabaw at baka dahil sa init ng panahon.
Kasi naman, gamit ng mga magsasaka ang mga kalabaw at baka sa pag-aararo ng mga bukid, paghila ng kanilang mga kariton sa pamamalengke, pagtitinda ng kanilang mga produkto at paghila ng mga produkto galing sa mga bundok gaya ng boho at iba pa.
Kasunod naman nito ang paggamit ng mga magsasaka ng mga makinarya na wala nang ginawa kundi lamunin ang kita nila sa sobrang mahal na mga produktong petrolyo at piyesa.
Diyan damang-dama ang hirap ng kawalan ng mga katuwang ng mga magsasaka.
HEAT STROKE SA TAO
GRABE kung tumama ang heat stroke sa tao. Kung hindi ka mamamatay, mapaparalisa ka nang matagal.
At kung ikaw ang haligi ng tahanan o bumubuhay ng iyong pamilya, maiimadyin mo na kung anong hirap ang sasapitin ng iyong pamilya.
Okey lang kung mayaman ka at hindi mo problema ang pangangailangan ng iyong pamilya.
Pero paano kung pangkaraniwan kang mamamayan lamang? O paano kung isang kahig, isang tuka ang iyong kalagayan?
NAMATAY NA LANG SANA AKO
PARA sa ama o ina na nakikitang naghihirap ang kanyang pamilya, karaniwang nasasambit na lang niyang “namatay na lang sana ako.”
Paano naman kasi, kakambal ng sakit sa heat stroke ang pagtigil ng bata sa pag-aaral, krisis sa bayarin sa kuryente at tubig, krisis sa pambili ng gamot at pampaospital at iba pang krisis gaya ng pagpapalayas sa iyo sa iyong inuupahang bahay o hinuhulugang housing.
Sa hirap ba naman ng buhay ngayon at mismong ang gobyerno pa ang umaamin na talagang malawakan ang paghihirap at kagutuman.
15 TAON NA PAG-UNLAD
ANAK ng tokwa, sinasabi ng pamahalaan na aabutin ng 15 taon bago maramdaman ng mga pangkaraniwang mamamayan ang ipinangangalandakan ng pamahalaan na pag-unlad ng mahal kong Pinas.
15 taon? Paanong mangyayari ito kung sa loob lang ng apat-anim na taon ay umaakyat sa pagiging pinakamayayaman sa mundo ang ilang Pinoy dahil sa pag-unlad ng Pilipinas?
O kung ikaw ay senador at kongresman o nasa Palasyo ng Malakanyang, e, buwan o taon lang ang aabutin mo at ligtas ka na sa mga krisis na atin nang nabanggit.
Sa dami o laki ba naman ng mga nakukurakot na salaping bayan mula sa pamahalaan.
‘Di ba, Ma’am Janet Lim-Napoles?
Sa kalagayang ito, ang mga nahi-heat stroke pala ay mag-aantay ng 15 taon bago sila magkaroon ng pambili ng gamot at makaligtas sa nabanggit na nating mga krisis.
Anak ng 15 putakte, tumigil nga kayo riyan.
HEAT STROKE SA LRT-MRT
ARAW-ARAW na lang, mga Bro, ang reklamo laban sa mga MRT at LRT.
Walang aircon ang marami sa bagon ng mga ito.
Alam kaya ng management ng mga ito na marami ang nahihirapang huminga at may mga nagko-collapse dahil sa init ng mga bagon ng mga tren na ito?
Dapat na tingnan ito ng management ng dalawang railway.
Pero higit na trabaho ng pamahalaan ang matiyak na ligtas sa sakit ang kalagayan ng mga pasahero.
Kailangang pilitin ng pamahalaan ang management na maglagay ng aircon sa bawat bagon.
Kung hindi, hindi dapat na sardinasin ang mga pasahero upang maiwasan ang anomang sakit, gaya ng nililikha ng init ng panahon.
Sa ibang salita, mga Bro, dapat na hindi hayaang overloaded ang mga bagon at tiyaking makahihinga lahat ang mga pasahero at hindi mapitpit na parang sardinas habang nakasakay ang mga ito.
KORAPSYON SA LRT-MRT
MARAHIL ay hindi gaanong makararanas ng krisis sa pagsakay-sakay sa mga LRT-MRT ang mga mamamayan kung walang korapsyon sa paggawa, pagmantina at pagpapaunlad ng mga railway.
Dito lang sa mga dapat na bagong bagon para sa MRT, napuno umano ito ng korapsyon.
At ang ibinunga nito, aabot umano sa tatlong taon bago makarating ang lahat ng bagon para rito.
Ibig-sabihin nito, sirain ang mga bagon at sa loob ng tatlong taon, marami ang makararanas ng init sa loob ng mga ito.
Wala namang balita kung ano ang gagawin ng mga nasa LRT na higit na inirereklamo ng mga pasahero sa kawalan ng aircon sa maraming bagon nito.
Pangulong Noynoy, ano ba ito?
Baka magulantang na lang tayo na itong LRT-MRT ang pagmumulan ng kamatayan o pagkakasakit ng matindi dahil sa heat stroke.
DEMANDA vs MRT-LRT
MALAKI talaga ang posibilidad na may ma-heat stroke sa MRT-LRT.
Pupuwede bang idemanda ang mga ito kung magkasakit ang kanilang mga pasahero?
Paano makatutulong ang gobyerno sa mga magiging biktima ng parang pugong LRT at MRT? O bahala na ang mga tao.
oOo
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333.
The post HEAT STROKE AT ANG MGA PUGON NA MRT AT LRT appeared first on Remate.

